Unang 16 members ng MNL48, pinangalanan na
MANILA, Philippines — Buo na ang kauna-unahang girl idol group ng bansa matapos pangalanan ang 16 members na bubuo ng MNL48 sa pangunguna ni Sheki Arzaga ng Quezon City, ang tinaguriang center girl nito.
Nilabas ang resulta ng kumpetisyon sa unang general election ng idol group sa It’s Showtime noong Sabado (Abril 28) matapos ang isang linggong botohan na siyang tumukoy kung sinu-sino ang bubuo sa MNL47, ang Pinoy version ng popular na grupong AKB48 ng Japan.
Kilala si Sheki bilang ang “powerful stage queen” ng grupo dahil sa kanyang agaw-pansing paghataw at galing sa pagbirit.
Kasama naman niya sa top seven o Kami 7 sina Abby Trinidad ng Bacoor, Cavite, Sela Guia ng Laguna, Tin Coloso ng Iloilo, Zen Inot ng Cebu, Alice De Leon ng Quezon City, at Trixie Tano ng Marikina.
Nakaabang sa kanila ang international recording at endorsement deals, at sila rin ang magiging headliners o mangunguna sa performances ng grupo sa itatayong MNL48 theater. Bukod pa riyan, mayroon din sila ng pagkakataong mag-perform kasama ang sister group nilang AKB48 at lilipad patungong Japan para sumailalim sa exclusive trainings.
Pasok din sa grupo bilang first generation members ang top eight to 16 girls o Senbatsu na sina Ella Amat ng Tiaong, Quezon, Ash Garcia ng Las Piñas, Gabb Skribikin ng Pasig City, Jem Caldejon ng Noveleta, Quezon, Sayaka Awane ng Legazpi City, Faith Santiago ng Malabon, Lara Layar ng General Santos City, Grace Buenavidez ng Nueva Vizcaya, at Quincy Santillan ng Tabaco, Albay.
Kagaya ng top seven girls, nasungkit din nila ang mga premyo gaya ng recording at endorsement contracts, pati na ang pagkakataong bumida sa music videos ng grupo at mag-perform kasama ang AKB48.
Ang kumpetisyon ay nilikha sa pagsasanib-puwersa ng ABS-CBN at Hallo Hallo Entertainment ng Japan.
- Latest