Cinderella mas pagagandahin ang umaga
MANILA, Philippines — Apat na naggu-gwapuhang ‘oppa’ ang magpapakilig sa mga Kapuso viewers tuwing umaga dahil simula Abril 30 ay mapapanood na ang Cinderella and the Four Knights.
Bibida rito si Charlotte (Park So Dam), isang high school student na itinataguyod ang sarili sa pamamagitan ng iba’t ibang part-time jobs. Sa pagkamatay ng kanyang ina, nakahanap ng bagong mamahalin ang kanyang ama pero hindi siya tinatrato nang mabuti ng kanyang stepmother at stepsister.
Sa paglalaro ng tadhana ay makikilala niya ang tatlong tagapagmana ng isang malaking kumpanya: Si Steven (Ahn Jae Hyun), ang pinakamatanda sa tatlo at lumaki sa karangyaan pero suplado at playboy; si Jerwin (Jung Il-woo), isang rebeldeng sanay sa hirap pero mapagmahal na anak; at si Colton (Lee Jung Shin), ang pinaka palakaibigan sa tatlo at isang sikat na idol.
Makakasama rin nila si Orson (Choi Min), ang body guard ng magpipinsan at itinuring na ring kapamilya ng mga ito pero may itinatagong sikreto.
Kapalit ng kanyang college tuition fee, kailangang mapatino ni Charlotte ang magpipinsan pero hindi siya maaaring ma-in love sa kahit sino sa kanila. Magawa niya kaya ito?
Subaybayan ang Cinderella and The Four Knights tuwing Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Fighter of Destiny sa GMA.
- Latest