MANILA, Philippines — Ipinahayag ng tinaguriang The Singing Idol na si L.A Santos, na magkahalong excitement at kaba ang nararamdaman niya sa kanyang first major concert entitled #Petmalu. “Excited po ako dahil first major solo concert ko ito, may halong kaba rin po siyempre, hindi po siguro talaga mawawala iyon. Pero siguro po ay normal lang na makaramdam ng ganoon talaga,” deklara ni LA na Grade 11 student sa University of Sto. Tomas.
Ang #Petmalu ay gaganapin sa Music Museum sa April 30, 2018, 8pm. Kabilang sa special guests sina Jaya, Ian Veneracion, Jona, Michael Pangilinan, Imelda Papin, Claire dela Fuente, Eva Eugenio, at Boobsie Wonderland, at ang sister ni LA na si Kanishia Santos. “Kaya sana ay abangan po nila, marami pong pasabog sa concert na ito, may production number po kami ng mga guest ko at magdu-duet kami ng sister ko na si Kanishia Santos.”
Nabanggit pa ni LA na excited siya dahil papasok na rin sa music industry ang kanyang magandang kapatid na si Kanishia. “Opo siyempre, very excited for her. I’ll suport her all the way,” pakli pa niya.
Gaano siya kasaya ngayon sa nangyayari sa kanyang showbiz career? Esplika ni LA, “Masaya, sobra po pero hindi pa ako satisfied, paulit-ulit kong sinasabi po iyon. Ayaw ko po kasing ma-satisfied, naniniwala kasi ako na marami pang mangyayari sa career ko, kumbaga po ay umpisa pa lang ito. Kaya talagang work hard lang ang gagawin ko.
“Kumbaga, gusto ko pong ituloy-tuloy lang, at talagang pagsisikapan at paghihirapan ko po para maabot ko yung dreams ko.”
Ang #Petmalu ay hatid ng J.E.D.I. (Joed Entertainment Department Incorporated) ni Joed Serrano at Dream Wings Production Inc. Ang musical director naman ay si Iean Iñigo.
Bakit sinugalan ni Joed si LA sa gaya ng pagpoprodyus niya noon ng unang major concert nina Vice Ganda, Alex Gonzaga, Pokwang, Ate Gay, Boobsie Wonderland? Siya na rin kasi ang tumatayong manager ng singer-actor. Ayon sa kanya, nagkaroon siya ng interes sa bagets nang nakausap niya si Boy Abunda. “Tito Boy Abunda told me about LA, sabi niya sa akin, ‘Please look at LA’s video sa YouTube and then tingnan mo, napaka-special ng batang iyan.’ So, I saw the video Tinamaan, hindi pa ako roon agad-agad na-convince. But up until… eto swear to God, ito iyong totoo, nakita ko iyong video ng version niya ni Moira na Titibo-Tibo and from there, roon ko naintindihan ang sinasabi ni Tito Boy.
“Tapos nalaman ko nga iyong passion niya sa pagkanta, iyong pangarap niyang maging singer at artista. Naalala ko iyong sarili ko noon, eto ha, it reminded me na hindi lahat ng gustong mag-artista o kumanta ay mahihirap, hindi lahat gusto ‘yung katulad namin na gustong mag-perform sa magulang, hindi ganoon. “Mayroon din namang iba na gusto lang talagang ma-fulfill ‘yung mga pangarap nila sa buhay. Dumaan ako roon eh, sa pag-aantay. I’m sure karamihan sa inyo alam iyan,” sambit pa ng dating actor. RC