Aktres na mas bagay mag-zumba sinisira-siraan ang dating mister!

Nakakita ng runner-up ng isang matabil na female perso­nality ang aming mga impormante sa isang aktibo pa ring aktres pero hindi masyadong kinampihan ng kapalaran ang career.

Daldakina rin ang female personality. Mahilig din siyang magsalita nang laban sa dati niyang karelasyon. Kung anu-anong kuwento rin ang kanyang sinasabi laban sa male personality na ama ng kanyang mga anak.

Galing sa isang angkan ng isang malaking pamilya ng mga nirerespetong personalidad ang male personality. Ilang taon din silang nagsama hanggang sa magkahiwalay na nga sila.

Sabi ng aming source, “Hindi namin gusto ang tabas ng dila ng babaeng ‘yun. Kapag nag-umpisa siya, e, para na siyang kotseng ginasolinahan sa kadadaldal! Puro paninira sa father ng mga anak niya ang lumalabas sa bibig niya.

“Kesyo tamad daw ang napangasawa niya. Kesyo pagod na pagod daw siya sa katatrabaho, pero palagi lang nakahiga ang mister niya. Kesyo wala raw alam sa buhay at umaasa lang sa kanya!

“Ang dami-dami niyang sinasabi, puro baho ng father ng mga anak niya ang pinagsasasabi niya! Bakit hindi na lang kasi niya hintayin ang resulta ng annulment na isinampa niya!

“Siya na rin naman ang nagsasabi na konting panahon na lang, e, magiging single na siya, di wait na lang sana siya, instead na ganyan, dakdak siya nang dakdak laban sa ex niya!” naiinis na kuwento ng aming source.

Mapangarap kuno ang female personality. Marami siyang gusto sa buhay. Gusto niya ng marangyang kabuhayan showcase. Gusto niyang sumikat, gusto niyang pag-aralin sa ibang bansa ang kanyang mga anak.

“E, alam niya naman na hindi biglaang maibibigay ‘yun sa kanya ng napangasawa niya, di ba? Naghahanapbuhay naman ‘yung lalaki, hindi nga lang karamihan ang mga raket niya!

“Ambisyosa ang babaeng ‘yun! Gusto niya ng magic! Ang kailangang maging karelasyon ng babaeng ‘yun, e, prinsipe, para matupad ang mga ambisyon niya!

“Naku naman! Himala pala ang hinahanap niya! Naku, tantanan na niya ang mga ambisyon niya, mag-zumba na lang siya nang mag-zumba! Five, six, seven, eight! Umarya na lang siya nang umarya!” napapahalakhak na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Julio Diaz sinayang ang datung  ng mga katrabaho

Demonyo ang sinisisi ngayon ni Julio Diaz sa kinasasadlakan niya. Matagal na siyang tinitiktikan ng mga otoridad dahil sa kanyang pagbibisyo pero natiyempuhan siya nu’ng minsan habang kasama ang kanyang mga kaibigan.

‘Yun ang mga sinasabi niyang demonyo. Matagal na raw siyang hindi gumagamit ng shabu pero nagdatingan ang mga demonyo niyang kaibigan at tinukso siya.

Ganu’n na lang talaga ang puwedeng sabihin ngayon ni Julio Diaz. Tinukso siya ng mga demonyo. Napakarami kasing nanunumbat sa kanya na wala siyang kadala-dala. Nanganib na nga ang kanyang buhay nang maoperahan siya sa ulo pero hindi pa rin pala niya tinatantanan ang kaway ng bisyo.

Pati ang sikat na aktor na bida ng Ang Probinsyano na si Coco Martin ay nasisisi pa ngayon sa naging kapala­ran sa kulungan ni Julio. Sana raw ay hindi na lang pinatay sa maaksiyong serye si Julio para hindi siya tumutok uli sa pakikipagtipan palagi kay Sharon Stone.

Walang dapat sisihin sa nangyari sa aktor kundi ang kanyang sarili lang. Binigyan na siya ng ikalawang buhay nang operahan siya, pinagkatiwalaan siya ng ABS-CBN para maging bahagi ng mga serye ng istasyon, pero ano ang ginawa niya?

Patuloy pa rin ang kanyang pagbibisyo, wala siyang kadala-dala, sinisisi pa niya ngayon ang mga demonyo raw niyang kaibigan na nanukso sa kanyang tumikim uli ng shabu?

May sarili siyang isip. Alam niyang makasasama sa kanyang katawan ang pagbibisyo, pero nagpatihulog pa rin siya, alam na alam sa kanilang lugar na hindi pa rin siya tumitigil sa kabila ng indultong nangyari sa kanya.

Napapailing na lang sa panghihinayang ang mga artistang nag-ambag-ambag para maisalba ang kanyang buhay. Binigyan na nga siya ng ikalawang pagkakataon ay sinayang pa niya sa patuloy na pagbibisyo.

Mga demonyo pa rin ba ang dapat sisihin sa pagkakulong niya ngayon?

Show comments