Sikat na aktres nagtago nang mahuli ng overspeeding
PIK: Tapos na ang kasal nina Billy Crawford at Coleen Garcia.
Pati ang sikat na Mixed Martial Arts fighter na si Brandon Vera ay kasal na rin sa American girlfriend niyang si Jessica Craven.
Ginanap ang kasal sa Meskla On the Cove sa Tamuning, Guam at ang tumayong ninong ay sina dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson at ng manager niyang si Dondon Monteverde.
Ang susunod na inaabangan naman ngayon ay kung kailan naman sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Pero wala pa raw talagang plano sabi ni Jennylyn nang nakausap namin sa presscon ng The Cure.
Pati ang leading man niya sa bagong drama series ng GMA Telebabad na si Tom Rodriguez ay sinasabing pinag-uusapan na raw nila ito ngayon ni Carla Abellana.
Sabi ni Tom; “Pinaplano na namin. Matagal na namin napapag-usapan eh.
“I don’t wanna be insensitive, pero yung kasal para sa amin maliit na bagay. Sa hirap ng buhay ngayon, ang dami na naming pinagdaanan na ayaw na namin maulit for our future family.”
Magkapareho raw sila ng dream wedding na simple lang, pero kailangan pa rin daw nilang pag-ipunan pa ito.
PAK: Mismong ang fan ng sikat na aktres ang nagkuwento kung paano raw ito magtago sa kotse niya nang hinuli ng pulis dahil sa traffic violation.
Nag-over speeding daw kasi sila dahil may hinahabol na event na dadaluhan ni sikat na aktres. Pero hindi sila nakalusot dahil pinara na sila ng traffic police.
Nang papalapit na sa kanila ang pulis, nagtago raw si sikat na aktres at sinasabihan ang driver niya na ibigay na agad ang lisensya.
Ayaw daw niyang malaman ng pulis na siya ang sakay. Nahihiya raw siya na palulusutin sila dahil kilala siyang aktres.
In fairness naman, ayaw abusuhin ni sikat na aktres ang charm at power niya.
Hayaan na lang daw na mahuli at matiketan ang driver niya kesa malamang siya ang sakay sa kotse.
BOOM: Pinag-iisipan na pala ni Cong. Alfred Vargas na mag-retire sa pulitika pagkatapos ng term niya bilang Congressman ng 5th district ng Quezon City.
Ang isa sa pangarap niyang maipasang batas na sinususog niya ngayon ay ang Philippine Cancer Integration Act na sobrang malapit daw sa kanya dahil pumanaw ang kanyang ina dahil sa cancer.
Ani Cong. Alfred, “From experience ko, at na-confirm ko naman na ito rin ang experience ng marami pang mga Pilipino na kapag nagkaroon ng cancer sa miyembro ng pamilya, parang bumabagsak yung pamilya, nawawalan ng pag-asa, nababaon sa utang. Tapos after mangyari ang lahat, naiiwan yung pamilya na baon sa utang, walang magawa, tapos bawat buwan palaki nang palaki ang utang.
“Instead naiwasan yung hirap, nadadagdagan. Na-experience ko to eh.
“Ngayon inihain namin yung House Bill na Philippine Cancer Integration Act para makatulong ang gobyerno sa mga nagkakasakit ng cancer pati sa pamilya nito.
“Hndi lang para sa cancer patients, kung hindi para sa mga pamilya. Kasi cancer is not only about the patient. It is also equally important to the family.
“Ang gusto natin, before cancer, during cancer and after cancer, meron tulong yung gobyerno para sa mga pamilyang ito.”
Kung maipasa raw niya ito at maisabatas, okay na okay na raw siya at puwede na raw niyang tapusin ang term niya bilang Representative ng 5th district ng Quezon City at mag-focus na raw siya sa showbiz.
Thankful lang daw siya ngayon dahil nagagawa niyang pagbalansehin ang responsibilidad niya sa mga constituents niya, at maayos ang trabaho niya bilang artista sa Kambal Karibal ng GMA 7.
Sobrang happy nga raw siya dahil nasa pang-apat na extension na ang naturang drama series at lalo pang tinatangkilik ng mga manonood.