Biruin mo, nakabalik na ng Star Cinema si Kris Aquino at pumirma na ng kontrata sa film arm ng ABS-CBN, ang kumpanya na hanggang ngayon ay hindi pa niya nakakaayos at patuloy ang pagtanggi na bigyan siyang muli ng programa. Hindi ang KathNiel ang makakasama niya sa kanyang comeback movie kundi ang JoshLia na wala siyang dapat na ipag-alala dahil malakas at malaki ang following ng loveteam. Nakasisiguro siya ng isang box office film.
Sana ipagpatuloy na lamang ni Kris ang pangdi-dedma sa ama ni Bimby dahil wala naman itong maitutulong sa karera niya at para maiiwas ang kanyang anak sa sakit dahil ama nito ang pinag-uusapan.
Ricky may bagong pinagkakaabalahan
Ratsada na naman si Mother Ricky Reyes sa kanyang public service na gumagawa ng maraming dahilan para makapasok ng pulitika pero hindi ang salon czar na ever since I can remember has shared his expertise, his money and time sa mga nagnanais matutong magkaroon ng sarili nilang pagkakakitaan.
Siyempre, hindi niya ito magagawa nang mag-isa. Katuwang niya si Guiling Mamondiong ng TESDA at Marcelino Escalada, Jr ng NHA.
May ilang panahon ding nag-concentrate sa Isang Gunting, Isang Suklay si Mother Ricky na pinagkakitaan na ng marami pero, ngayon ay balik na naman siya sa dating gawi. At mukhang nakapag-recharge ang aking friend dahil kalulunsad lamang nila ng Skill 2D Max Angking Galing Mobile Livelihood Caravan. Pagbibigay tulong ito sa mga nangangailangan ng training sa hairdressing at beauty care. Lahat ng kukuha ng training ay bibigyan ng P100/day allowance.
Mga 4,200 ang mabibiyayaan na nakatira sa mga relocation sites ng NHA.
Mabuhay ka, Mother!
Maymay sumali sa charity ni Edward
Hindi lamang napapatatag nina Maymay Entrata at Edward Barber ang tambalan nilang MayWard sa maganda nilang pagsasama na sa tanggapin man o hindi ng mga fan nila ay bilang magkaibigan pa lamang.
Samantala, para maipakita ang pagkakasundo nila, nagpasya na rin si Maymay na makiisa sa Elm Tree Foundation ng magkapatid na Edward at Laura Barber. Sumusuporta ang foundation sa mga lalaki, babae at kabataang biktima ng pang-aabuso.
Tumutulong din naman si Maymay sa charity pero, mas malawak ang maabot ng kanyang charity sa pag-join niya sa Elm Tree Foundation. First project nila ang Bahay Bulilit.
Ruru mahal na si Siri
Sa nalalapit na pagtatapos ng well-loved series ng GMA na Sherlock Jr., siguradong mami-miss ng viewers ang Kapuso cutie at lead star nito na si Ruru Madrid lalo na ang mga action-packed scenes nito na talaga namang nakaka-amaze.
Para sa Kapuso actor, ang pinakamami-miss niya rito ay ang mga panahong magkasama sila ng BFF niya sa serye na si Siri. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na bago magsimula ang serye ay aminado siya na takot siya sa aso. Pero nang magsimula ang kanilang taping a few months back, natuto siyang harapin ito.
Anne mas gusto na lang magturo
Dati kutento na si Anne Villegas sa kanyang pag-aartista. Until mai-tap ang kanyang talento para magturo ng akting sa mga baguhan na nangangailangan ng pagsasanay para maging mahusay silang artista. Soon sa rami ng tinuturuan niya ay kumaunti ang natatanggap niyang trabaho, hanggang maramdaman niya na mas masaya at mas fulfilling na maibahagi ang kanyang kaalaman sa pag-arte sa mga nangangailangan.
Isang taon na simula nang itatag ni Coach Anne ang Light of Life (LOL) Talent Management Foundation, Inc. katulong ang kanyang mga anak at ilang mga kaibigan. Kaisa ang LOL sa maraming nag-aalaga at nagsasanay ng mga baguhang artista dahil hindi lamang natututong umarte ang mga myembro nito, pinagbubuklod pa rin sila ng love, service to God and aiming for excellence in singing, dancing and modeling, English speech at good working attitude. Last week, inilunsad na ang LOL Stars of 2018 sa Wilcon City Center. Agad nagpamalas ang mahigit sa 20 mga baguhang artista ng kanilang natutunan sa ginawa ilang pagsasanay sa singing, dancing at modeling. Yung acting, hindi na ipinamalas dahil marami sa kanila ang nabigyan na ng proyekto sa GMA na ang LOL ang taga-supply ng mga artista.
Mga dalaga na ngayon sina Sandy Talag na unang nakilala sa StarStruck Kid at All Star K at Judy dela Cruz na walang makakakilala ngayon dahil pumayat siya at gumanda. Malayo siya sa ginampanan niyang role bilang Josie sa napaka-sikat na seryeng Yagit. Pumayag ang dalawa na sumailalim sa LOL dahil sa pamamatnubay ni Coach Anne ay hindi masasakripisyo ang kanilang pag-aaral. Ganun din si Ranty Portento na ex-Pinoy Big Brother housemate at isang seaman. Iniwan nito ang kanyang pagsakay sa barko para maipagpatuloy ang kanyang quest for stardom.