MANILA, Philippines — Isa na namang record sa Philippine broadcast history ang itinala ng GMA Network matapos nitong mag-uwi ng walong medalya at apat na finalist certificate sa 2018 New York Festivals World’s Best TV and Films Competition—kabilang na ang gold medal para sa GMA News TV program na Reel Time.
Sa ginanap na awarding ceremony sa Las Vegas, U.S.A. noong April 10 (April 11 dito sa Pilipinas), nagwagi ng gold medal sa Health/Medical Information category ang documentary program na Reel Time para sa episode nitong Hawla.
Silver medal naman sa Docudrama category ang napanalunan ng Alaala: A Martial Law Special. Tampok dito ang karanasan ng Martial Law activist at award-winning screenwriter na si Bonifacio Ilagan.
Samantala, iginawad naman kay GMA News Pillar Jessica Soho ang bronze medal para sa Best News Anchor category. Si Soho ang kauna-unahang Filipino broadcast journalist na napasama sa nasabing category.
Tatlong bronze medals pa ang inuwi ng GMA Public Affairs para sa bansa. Nanalo ang documentary program na Front Row ng bronze medal sa Best Public Affairs Program category para sa episode nitong Batang Bomba tungkol sa mga batang Aeta na namumulot ng detonated bombs para kumita.
Ang investigative program naman na Reporter’s Notebook ay inuwi ang bronze medal para sa Community Portraits category. Ang nagwaging episode ay ang ulat ni Maki Pulido na Yapak sa Pusod ng Dagat.
Bronze medal din ang inuwi ng GMA News TV program na Brigada para sa Current Affairs category.