PIK: Nag-react yata ang taga-BG Films International sa post ng magkasintahang Jak Roberto at Barbie Forteza nung nakaraang Semana Santa na kung saan magkasama silang nagbakasyon at ang sexy pa ng mga kuha nila.
Kainitan na kasi ng promo ngayon ng pelikula ni Barbie na Almost A Love Story na kung saan si Derrick Monasterio ang leading man nito.
Sa April 11 na ang showing, kaya dapat ay bentang-benta ang DerBie loveteam. Meron pa silang drama series na Inday Will Always Love You, kaya sinabihan na raw si Barbie na medyo downplay muna ang lovelife nito kay Jak.
Hindi naman nakakasagabal ang lovelife sa Barbie-Derrick tandem, pero mabuti na ring ihiwalay na muna ang personal na isyu sa mga proyektong pinu-promote.
PAK: Ramdam naming umiiwas na lang ang GMA 7 sa intriga kaya pinabulaanan nila ang nakarating sa amin na balitang hindi raw tinapos ni Nora Aunor ang taping ng bagong drama series niyang Unanay.
Nung nakaraang Lunes, April 2 ang first taping day niya, at ang nakarating sa amin na kuwento ay nag-drop daw ng sequences si direk Gina Alajar dahil kailangan na raw umuwi ni Nora. Masama raw ang pakiramdam nito at hindi na raw kayang mag-taping.
Tinanong namin ang ilang taga-production ng Unanay tungkol sa isyung iyun.
Maayos daw ang taping at tinapos naman daw ni Ate Guy ang mga sequences na dapat kunan. Nasunod naman daw ang cut-off nitong alas-diyes ng gabi.
Baka raw napagkamalan lang na may sakit dahil nasa hospital daw ang location ng taping.
Medyo nagulat lang kami ng slight sa 10PM cut-off na medyo maaga yata. Kasi ang ibang veteran stars kagaya nina Eddie Garcia at Gloria Romero ay 12-midnight ang cut-off.
Si Odette Khan na mas matanda pa kay Nora ay walang cut-off. Nagpapahinga lang siya a day before the taping para may lakas siya sa araw ng trabaho.
BOOM: Hindi pa pala na-cremate si Mr. Bert Nievera hanggang ngayon, pero kailangan nang bumalik ng bansa ni Martin para sa mga natanguang commitments.
Nagpamisa naman ang ABS-CBN para kay Bert dahil pasiyam na pala nito.
Kahit na nagdadalamhati, kailangan din ni Martin na mag-shoot para sa Summer Station ID ng Kapamilya network at kakanta siya sa birthday presentation ni Pres. Digong Duterte ngayong araw.
Pagkatapos nito, babalik siya ng Amerika para ayusin na ang cremation ng kanyang ama sa tulong ng partner ni Bert na si Carol Nievera.
Matagal daw kasi magpa-schedule doon ng cremation.