MANILA, Philippines — Wala nang atrasan ang planong pagpapanggap ni Mona bilang si Lisa na parehas ginagampanan ni Jodi Sta. Maria sa morning serye na Sana Dalawa Ang Puso.
Dala ng problema sa pamilya, kinailangan nang tanggapin ni Mona ang offer ni Lisa. Sa tulong ni Kim (Nikki Valdez), unti-unti nang nagagamay ni Mona ang buhay ni Lisa bilang boss ng LGC at fiancé ni Martin (Richard Yap).
Hindi naman sumusuko si Lisa na makuha si Donnie (Victor Silayan) bilang investor sa kanyang negosyo ngayong anim na linggo na lang bago ang kanyang kasal. Ngunit hindi niya alam na kasapi pala si Donnie sa sindikatong Urdunata kung saan kabilang rin sina Supapi (Leo Martinez) at Mr. Chua (Lito Pimentel) na siyang humahabol kay Mona at tinutigis naman ni Leo (Robin Padilla).
Dahil naman sa pagmamahal ni Martin kay Lisa, inaantay na lang niyang maisaayos ang merger sa kani-kanilang negosyo.
Desidido na siyang huwag ituloy ang kasal para palayain ang kanyang minamahal kasama ang kumpanya nito.
Sa pagsisimula ng pagpapanggap ni Mona kay Lisa, magampanan kaya niya nang mabuti ang kanyang trabaho? May tsansa rin kayang mabago ni Mona ang desisyon ni Martin tungkol sa kasal? Samantala, malagay naman kaya sa alanganin si Lisa sa kanyang pagsunod-sunod sa pinupuntahan ni Donnie?
Huwag palampasin ang Sana Dalawa ang Puso bago ang It’s Showtime sa ABS-CBN.
Online ticketing site ng ABS-CBN, tumatanggap na ng online at offline payment
Mas marami ng paraan para maka-book ng tickets sa Kapamilya shows ang solid fans na pangarap na mapanood ang kanilang mga idolo nang live dahil tumatanggap na ang Kapamilya Tickets online portal (KTX) ng online at offline payment transactions.
Inilunsad noong Mayo 2017 ang KTX na online ticketing portal ng Kapamilya network para mapadali ang proseso na maka-book ng slots sa ABS-CBN shows at events. Maaari rin makakuha ng tickets sa Kidzania gamit ang KTX.
Bukod sa credit o debit card (VISA/MasterCard) payments, maari nang maka-book ng tickets ang Kapamilya fans sa pamamagitan ng online banking (DragonPay at BancNet) at offline payment sa mga bangko at bayad center tulad ng LBC, Robinsons, at SM Department store.
Kabilang ang It’s Showtime, ASAP, Banana Sundae, I Can See Your Voice, Gandang Gabi Vice, at Magandang Buhay sa mga mapagpipilian na show sa KTX website.
Ang ABS-CBN na sa kasalukuyan ay nagta-transition na maging digital company, ang unang TV network sa bansa na naglunsad ng sarili nitong online ticketing system. Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa ktx.abs-cbn.com.