Kuya Kim naka-10 taon sa Matanglawin
MANILA, Philippines — Buong buwan ng Marso lilibot si Kuya Kim Atienza para tumuklas ng bagong kaalaman at hamunin ang kakayahan sa pagdiriwang ng ika-sampung taon ng ºMatanglawin sa ABS-CBN.
Sisimulan ni Kuya Kim ang selebrasyon ngayong Linggo (Marso 4) sa Cebu sa paglangoy kasama ng libo-libong sardinas sa Moalboal. Sa Marso 11 naman, masusubukan ang galing ng Kapamilya stars sa Matanglawin Palaisipan at Matanglawin Challenge.
Sa Marso 18, babalikan naman ng Trivia King ang kaniyang unang pag-ibig - ang iba’t ibang uri ng hayop – sa paghahanap ng mga tamaraw sa Mindoro, kasama ang mga Tamaraw Rangers na binuo para protektahan ang mga ito.
Susundan naman ito ng pag-akyat ni Kuya Kim sa Buscalan sa Kalinga upang makilala at magpa-tattoo sa sinasabing huling mambabatok na si Apo Whang Od, na nagdiwang naman ng kanyang ika-101 kaarawan kamakailan lang.
Isang dekada nang kasama ng kabataang Pilipino at buong pamilya ang Matanglawin, na pinaka-premyadong programang pang-edukasyon sa bansa.
Ayon kay Kuya Kim, hindi nila inasahang tatagal ng isang taon ang programa, na dapat aniya ay isang season lamang.
“Nagugulat pa rin ako kapag kinakausap ako ng mga tao at sinasabi nilang lumaki silang nanonood ng Matanglawin at parte ng kabataan nila si Kuya Kim,” sabi niya.
Isa sa mga hindi niya makakalimutang ginawa sa programa ang paglangoy sa Ilog Pasig, pagpapalibing ng buhay, at ang pagdokumento ng kaniyang naging mga sakit kabilang ang ginawang operasyon sa kaniyang puso.
Nagbigay-pugay din siya sa Diyos at sa bumubuo ng programa na buong pusong nagta-trabaho upang siguraduhing maganda ang kanilang ipapakita sa manonood.
Patuloy naman ang pagtangkilik sa programa na hindi pa rin natitibag sa timeslot nito tuwing Linggo ng umaga. Sari-sari na rin ang tinanggap nitong patimpalak sa loob at labas ng bansa.
Samahan si Kuya Kim sa malaman at maaksyong selebrasyon ng ika-sampung anibersaryo ng Matanglawin na magsisimula sa Linggo (Marso 4) 9:45 ng umaga sa ABS-CBN at ABS-CBN HD
- Latest