Magkapatid na aktres nagdurusa sa talakerang ina na parang sirena
Nakakaaliw ang mga kuwento ng isang source tungkol sa sobrang kaingayan ng bibig ng ina ng mga female personalities na parehong contract stars ng isang malaking network. Mistulang sirena pala ang mudra ng magkapatid na ito.
Sa umaga pa lang ay maririnig na si madir na nagtatatalak, binibigyan niya ng instructions ang kanilang mga kasambahay kung anu-ano ang gagawin ng mga ito sa maghapon, dinig na dinig ng kanilang mga kapitbahay ang boses ng ina ng mag-utol.
Kuwento ng aming source na matagal nang kaibigan ng pamilya, “Naku, kung nasa Amerika lang sila, e, baka pinetisyon na sila ng subdivision na tinitirhan nila! Bawal ang ganu’ng ingay sa Amerika, sa bundok sila patitirahin!
“Imagine, sa umaga pa lang, e, talak na nang talak si madir! Kung anu-ano ang napapansin niya sa buong kabahayan. Sinasaliksik niya ang mga suluk-sulok ng house nila, kapag may nakita siyang mga alikabok, ‘yun na ‘yun!
“Para siyang sirena! Napakaingay niya! Siya nga yata ang ginagawang alarm clock ng mga kapitbahay nila, e! Kapag may nag-iingay na, umaga na nu’n! Umaariba na ang malasirenang bibig ni mother!” tawa nang tawang kuwento ng kaibigan ng pamilya.
Hindi rin nakaliligtas sa maingay na bibig ng kanilang ina ang magkapatid. Kung kausapin sila ng mommy nila ay parang nasa magkabilang kanto sila sa lakas.
Patuloy ng aming source, “Magkakatabi lang sila nu’ng lagay na ‘yun, ha? Pero kung magsalita ang mommy nila, e, para bang nasa kabilang kanto ang kausap niya! Ang lakas-lakas kasi niyang magsalita, para siyang may kaaway!
“Kunwari, sinabi ng girl na gusto niyang bumili ng bagong cellphone, naku, tatalak na agad si madir nang pagkahaba-haba, hindi na makasingit ang anak niya, talagang kilometriko ang litanya niya!
“Sasabihin niya, ‘Bakit, sira na ba ang phone mo? Ang mahal-mahal ng pagkabili mo d’yan, papalitan mo na naman? Bakit, naiinggit ka sa mga kasamahan mong artista na hindi marunong magsinop ng mga kinikita nila?’
“Hindi na lang iimik ang daughter, siyempre, dahil baka mag-away lang sila. Ganu’n ang buhay ng magkapatid, palagi silang kinokontra ng mommy nila, kaya tingnan n’yo, parehong palaging nakasimangot ang mag-utol na ‘yun!” napapailing na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Di kailangan ng TV show Kris ramdam na ramdam pa rin!
Bumiyahe sa isang malayong bansa si Kris Aquino kasama ang kanyang mga anak na sina Josh at Bimby para ipagdiwang ang kanyang kaarawan at makapagpahinga mula sa sunud-sunod na pagtatrabaho.
Pero parang hindi rin naman siya nakapagpahinga, parang stress pa nga ang nahanap ng aktres-TV host, dahil naging abala siya sa pagsagot sa kanyang mga bashers na paborito siyang buwisitin-inisin.
Mukhang nasa patolah mode si Kris, kaya isa-isa niyang sinasagot ang mga taong sana’y naisip niyang wala sigurong makabuluhang pinagkakaabalahan sa kanilang buhay, kaya siya ang palaging nakikita.
Detalyado niyang sinasagot ang mga isyung ibinabato sa kanya. Kesyo magnanakaw siya, kesyo mistress na lang ang palaging papel niya sa buhay, pinagpapapatulan ngayon ni Kris ang kanyang mga bashers.
Tulad natin ay tao lang si Kris Aquino na may hangganan ang pisi ng pasensiya. Siya rin ang klaseng kapag imbento lang ang istoryang ibinabato sa kanya ay talagang sasagot at ididikdik ang kanyang paliwanag.
Pero kung ang lahat ng bashers ay papatulan ni Kris ay palaging tataas ang blood pressure niya. Ni hindi nga niya kilala nang personal ang mga umuupak sa kanya, ni wala siyang ideya kung ano ang motibo ng mga ito sa pananakit sa kanya, blangko ang identity ng mga pinapatulan niya.
Mas maganda sigurong pabayaan niya na lang ang mga taong sumisira sa kanyang araw, huwag na lang niyang pansinin ang mga taong walang nakikitang positibo at maganda tungkol sa kanya, sa estado ngayon ni Kris na meron na ng lahat ng materyal na bagay sa mundo ay kapayapaan na lang ng kalooban ang kulang sa kanya.
Papasukin at palabasin niya na lang sa magkabilang tenga niya ang mga paninira ng iba, ituon niya na lang ang kanyang panahon kina Josh at Bimby, magiging makabuluhan pa ang panahon niya.
Isa lang ang ibig sabihin ng ganitong senaryo. Wala man sa gitna ng laban si Kris dahil dalawang taon na siyang wala sa mundo ng pelikula at telebisyon ay may espasyo pa ring nakalaan sa kanya.
Sikat pa rin si Kris Aquino. Pinag-uusapan pa rin. Bina-bash pa ba ang mga artistang wala nang ningning ang bituin?
- Latest