Napanood ko noong Linggo ng gabi ang restored version ng pelikulang Ikaw Ay Akin, ang pelikula ng Tagalog Ilang-Ilang Productions na nagtatampok kina Nora Aunor, Vilma, at Christopher de Leon sa direksyon ni Ishmael Bernal.
Hindi ko gaanong napansin ang billing kaya hindi ko nakita kung sino sa dalawang aktres ang mas nauna ang pangalan. Pantay ang kanilang mga role mula umpisa hanggang katapusan, parehong bigo ang kanilang characters na makamit ang pagmamahal ng lalaking pareho nilang minamahal. Wala akong namalas na tagisan sa pag-arte na inaasahan ko dahil nagsisimula na ang kanilang rivalry ng mga panahong ‘yon.
Ang malaking kaibahan lang ay pinaganda si Nora, fully made up siya at lutang na lutang ang pagkakaarko ng kanyang mga kilay na ginagawa lang sa mga gumaganap ng kontrabida. Nagmukha tuloy siyang matapang na hindi umayon sa pagiging api ng kanyang role na hanggang sa ending ng movie ay hindi napagpasyahan kung sino sa kanilang dalawa ni Vilma ang papaboran kaya pinaghiwa-hiwalay na lamang silang tatlo.
‘Yung confrontation scene ng dalawang bidang babae ang pinakamahaba na napanood ko bagaman at wala ni isa mang kataga na namutawi sa mga labi nina Vilma at Nora, nagtinginan lamang sila bago nagpasyang tumalikod si Vilma at iwan si Nora. ‘Yun na ang wakas ng pelikula.
I’m sure hindi magagandahan ang millennials sa parang mabagal na takbo ng movie. At tulad ko, maghahanap sila ng mga eksenang magpapasiklaban ang dalawang mortal na magkaribal.
Mahihirapan talaga ang gagawa ng reunion movie ng dalawang aktres. Mas malaking demand ang aasahan ng manonood.
Regine at Martin malabo pang malaos
Bakit kaya matangi kina Erik Santos at Ogie Alcasid na kasama sa concert na #paMORE na magaganap sa February 10 sa Mall of Asia Arena ay ipinalalabas na laos na sina Martin Nievera at Regine Velasquez? The mere fact na umaarangkada pa sila sa mga malalaking palabas at aktibo pa rin sa paglabas sa TV ay patunay na malayo pa sila sa pagkalaos.
Martin, for his part ay lagare sa Valentine season. Pagkatapos ng #paMORE ay lipad agad ito ng Hawaii para sa ilan pa ring shows. Tapos balik na naman ito ng bansa para sa selebrasyon ng anibersaryo ng ASAP.
Si Regine naman ay may sisimulang bagong programa sa GMA kung saan ay alagang-alaga siya sa programa. May cooking show siya, at nag-host pa rin ng isang musical show at binigyan pa ng teleserye.
Iisipin tuloy ng publiko na totoo ngang nalalaos na ang dalawa dahil sa kanilang pagpapababa ng kanilang ratings and popularity. Huwag namang ganyan!
Pang-iisnab ni Nora sa burol ni Direk Maryo, palaisipan
Nailibing na si direktor Maryo J. delos Reyes. Family, friends, at maski na walang relasyon sa kanya, pero humahanga sa kanya have all paid their respect to him at marami sa kanila ang nakapagtatakang naka-miss sa Superstar na si Nora Aunor na ni minsan ay hindi nasilayan sa burol ng direktor.
Hinahanap-hanap nila ang Superstar dahil magkaibigan ang dalawa at malalim ang pinagsamahan. Pero bakit at ni minsan hindi niya binisita ang kaibigan?
Bakit nga ba, Nora? O baka ipinasya na lamang niyang makiramay at magluksa nang tahimik. Pero hindi nangangahulugan na dahil wala siya sa burol ay hindi niya ikinalungkot ang pagpanaw ng kaibigan. Baka nga mas malalim ang kanyang pagdaramdam, pero kailangan bang makita ito para maniwala ang lahat that she also grieved for the loss of a friend?