Kababalik pa lamang ni Enrique Gil sa bansa mula Hong Kong para sa international screening ng pelikulang Seven Sundays.
Ayon sa aktor ay talagang naramdaman niya ang pananabik sa mga pamilya ng Pinoy community na nakapanood sa kanilang pelikula roon. “Umiyak sila lahat pero lahat naman sila natuwa. Siyempre it’s a different feel kasi bihira lang sila makapanood ng movies natin and to see artists din. It’s a humbling experience to be there. Mararamdaman mo talaga how much they miss home. Iba sila kaysa Manila. They are more attached. It’s a very humbling experience. They work so hard here, malayo sa pamilya. Kaya grabe rin sila umiyak kasi ramdam nila ‘yung mga eksena,” kuwento ni Enrique.
Samantala, matagal-tagal na ring nagti-taping ang aktor at katambal na si Liza Soberano para sa teleseryeng Bagani na mapapanood sa susunod na taon. Para kay Enrique ay dapat daw pakaabangan ng mga tagahanga ng LizQuen ang kakaibang proyektong ito. “Para siyang bayani. It’s the story about how the Philippines, ‘di ba archipelagic tayo, how the Philippines was born. It’s about our culture. Ang pangalan ko po doon ay si Lakas. Diet-diet na lang muna habang walang time mag-workout,” nakangiting pagdedetalye ni Enrique.
Kabilang din sa bagong serye sina Sofia Andres, Dimples Romana, Matteo Guidicelli, at Albert Martinez.
Julia at Joshua gulat na kasama sina Sharon at Robin sa movie
Masayang-masaya sina Julia Barretto at Joshua Garcia dahil makakasama ang dalawa sa reunion movie nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.
Gulat na gulat daw ang tambalan ng JoshLia nang mabalitaan ang tungkol dito. “We were very shocked but at the same time, we really just grabbed the opportunity because this doesn’t happen all the time. We are going to be working with icons. Parang makakatrabaho nila ‘yung next generation so I am excited,” nakangiting bungad ni Julia.
“Very exciting ito with Ms. Sharon Cuneta and Sir Robin Padilla. Abangan na lang po natin ang magiging istorya niya pero malupit po ito,” dagdag naman ni Joshua.
Matatandaang pumatok sa takilya ang mga pelikulang pinagtambalan noon nina Sharon at Robin katulad ng Maging Sino Ka Man, ‘Di Na Natuto, at Pagdating ng Panahon.
Kamakailan ay nagbigay na rin ng pahayag ang Megastar tungkol sa muli nilang pagtatambal ni Robin. “I cannot wait because Robin is really my favorite person to work with. He’s like my twin. Ganyan ang tawagan namin, kambal. We are very much alike. My happiest shooting experiences have always been with Robin,” makahulugang pahayag ni Sharon.