Live na napakinggan sa DZRH noong Sabado ang huling misa para sa labi ni Papa Joe Taruc sa bayan niya sa Gapan, Nueva Ecija.
Pagkatapos ng misa, ipina-cremate na ng naulilang pamilya ni Papa Joe ang bangkay niya.
Actually, ang i-cremate agad ang kanyang labi kapag pumanaw siya ang bilin ni Papa Joe sa misis niya at sa mga anak.
Ayaw kasi ni Papa Joe na tinitingnan ang labi niya kapag natsugi siya. Hindi nasunod ang isa sa mga huling habilin ni Papa Joe dahil nakiusap ang mga kababayan niya sa Gapan na gusto siya na makita sa huling sandali kaya matapos ang ilang araw na burol sa Arlington Funeral Homes sa Quezon City, dinala ang kanyang bangkay sa Gapan, Nueva Ecija.
Nagluksa ang milyun-milyon na loyal listeners ni Papa Joe sa DZRH dahil sure na mami-miss nila ang boses ng isa sa mga hinahangaan at nirerespeto na personalidad sa broadcasting industry.
Joey walking Encyclopedia na, Google pa sa rami ng alam!
Never ako na naniwala na may bad intention si Papa Joey de Leon nang sabihin nito na gawa-gawa lang ng mga tao ang depression pero nang ma-realize niya ang mistake, hindi siya nahiya na humingi ng paumanhin at aminin ang pagkakamali.
Magkaklase kami ni Papa Joey sa grade school at matagal kami na magkatrabaho sa Startalk, siya bilang host at ako, nagpapanggap na host dahil wala naman akong alam kundi ang bumati sa mga sponsor ko.
Kapag wala kami sa harap ng kamera, tsikahan portion kami ni Papa Joey at ang dami-dami kong natututunan mula sa kanya, lalo na kung tungkol sa araw-araw na pamumuhay ang topic.
Si Papa Joey ang nagturo sa akin na kung hindi ko mahanap ang mga Catholic church sa mga lugar at bansa na pinupuntahan ko, pumasok ako sa kahit anong simbahan at magdasal dahil tahanan pa rin ‘yon ni God.
Bibihira ang nakakaalam na super religious si Papa Joey. Madasalin siya, magaan at masarap na katrabaho, nakikisama sa lahat ng mga katrabaho dahil team player siya.
Walang tatalo sa kaalaman ni Papa Joey dahil ang dami-dami niyang alam. Para siyang walking encyclopedia at Google.
Type na type na kausap ng writers ng Startalk si Papa Joey dahil umaapaw sa ideas ang utak niya.
Isa sa magandang katangian ni Papa Joey ang pagtanggap ng pagkakamali kaya naintindihan agad ng madlang-bayan ang kanyang paliwanag at paumanhin sa maling pang-unawa niya tungkol sa depression.
Turning a year older si Papa Joey sa October 14. Good health at more blessings ang mga birthday wish ko para sa kaklase ko sa Moises Salvador Elementary School, Sampaloc, Manila.
True ang balita na teacher’s pet si Papa Joey noong mga grade school student kami kaya imbyerna ako sa kanya. Ang cute-cute niya kasi noon at palaging malinis ang damit. Kalokalike siya noon ng English former child actor na si Mark Lester.
Bata pa lang kami, may pagkamangkukulam na ako kaya hindi ako paborito ng teachers namin. Inaaway-away ko noon si Papa Joey at pinagbabantaan ko na tutusukin ko siya ng lapis. Hindi ko inakala na darating ang araw na magkikita kami sa showbiz at magkakasama sa isang television show.