Empoy walang planong magbago ng mukha John Lloyd naudlot ang mga bagong endorsement

PIK: Ipinakilala si Empoy Marquez sa presscon ng pelikula niyang The Barker na ang Bagong Pogi. Natutuwa siya sa bansag na iyun, kahit hindi naman niya hiningi.

Kaya wala raw siyang balak na may baguhin pa sa mukha niya dahil tanggap na raw siya ng mga tao sa ganung look. Wala raw sa isip niya na gayahin si Xander Ford na magpabago ng mukha para lalong pumogi.

“Hindi pumasok sa isip ko ‘yung ganun eh. Hindi na po Empoy yun kung ganun, Pompeyo na yun. Kung ano po yung ibinigay ni God sa akin, yun na po yun,” pakli ni Empoy.

Si Shy Carlos ang leading lady ni Empoy sa pelikulang ito na magsu-showing na sa October 25.

Ipinakilala naman si Shy bilang Viva Princess. Kung siya ang princess, si Anne Curtis daw ang kinikilalang queen. So, hindi si Nadine Lustre o kaya si Yassi Pressman?

“Ay hindi ko po alam,” mabilis na sagot ni Shy.

Wala naman daw silang kumpetisyon nina Yassi at Nadine para maging queen/princess ng Viva.

“Ako, wala naman akong na-feel na ganun eh. Alam naman nila kung saan kami ilulugar,” pahayag ni Shy.

PAK: Na-check namin ang Twitter account ni Bb. Pilipinas International Mariel de Leon. Hindi naman ito deactivated, taliwas sa inilabas ng isang blogger na deactivated na raw ang Twitter account nito.

Pero may mga nagsasabing dapat na pagsabihan na ang beauty queen/actress sa pagiging vocal niya. Dapat marunong din siyang kumilala ng mga pinupuna niya sa kanyang social media account.

Lalong iginalang si Joey de Leon sa paghingi niya ng public apology dahil sa isyu ng depression.

Mababawi pa kaya ni Mariel ang ipinost niyang tila nadidiri pa siya sa Eat Bulaga host at nagpapasalamat na hindi sila related kahit magkaapelyido?

BOOM: Inilabas na ng ABS-CBN ang kanilang official statement na magli-leave muna si John Lloyd Cruz, at magkakaroon daw ng break sa ibang bansa.

Ayon sa ilang sources na napagtanungan namin, matagal nang napagdesisyunan ito ng Kapamilya network, pero ngayon lang nila inilabas pagkatapos dumalo ni John Lloyd sa Star Magic Ball at sa birthday event ni Maja Salvador.

Nakakapanghinayang lang dahil meron palang endorsement dapat si John Lloyd na kung saan na-finalize na ng kumpanyang siya na ang kukunin pero hindi na ito natuloy.

Pumutok na ang isyu nila ni Ellen Adarna at hindi nababagay ang mga ganung isyung kinasangkutan ng aktor para mag-endorse ng kanilang kumpanya. Sayang lang!

Show comments