LizQuen magpapakilig ulit sa jeepney

Enrique Gil at Liza Soberano

MANILA, Philippines - Balikan ang tamis ng pag-iibigan nina Liza Soberano at Enrique Gil sa Dolce Amore, ang primetime hit serye mula sa ABS-CBN na ipapalabas na sa Jeepney TV ngayong Setyembre.

Tampok sa Dolce Amore ang kwento ng mayamang dalaga mula sa Italya na si Serena (Liza) at ang mahirap ngunit masipag na si Tenten (Enrique) ng Tondo na magtatagpo ang landas nang tumungo ang babae sa Pilipinas para takasan ang kasalang hindi niya gusto. Dahil sa kanilang hindi mapipigilang ko­neksyon, maglalapit ang dalawa sa kabila ng mga matitinding problema, hanggang sa matuklasan nila ang kani-kanilang tunay na pinagmulan at ang dahilan kung bakit sila pinagtatagpo ng tadhana.

Samantala, magpapakilig din ang Koreano­ve­lang Twenty Again sa kauna-unahang pag-ere nito sa bansa. Kuwento nito ang buhay ng 38-taon gulang na si No-Ra na muling babalik sa kolehiyo matapos mabigyan ng maling diagnosis – may cancer siya at may taning na anim na buwan. Nais niyang balikan ang buhay na kanyang iniwan nang siya’y mabuntis nang maaga pero ma­gugulo ang lahat dahil sa tatlong hindi inaasahang pangyayari: magi­ging kaklase niya ang kanyang anak, magtatrabaho ang asawa niya sa pa­rehong eskwelahan, at matutuklasan niya na ang isang professor ay dati niyang tagahanga.

Tunghayan naman ang mga buhay na pinagsama-sama ng pag-ibig sa unang pag­    papalabas ng Tubig at Langis sa Jeepney TV. Sundan ang matatag na si Irene (Cristine Reyes) na babalik sa piling ni Natoy (Zanjoe Marudo), na siya’y tanggap pati na rin ang kanyang anak mula sa ibang lalaki. Ngunit dahil sa hindi pagsang-ayon ng pamilya ni Natoy, papalabasin ng ina nito na nanga­ngaliwa si Irene. Mahuhulog naman ang loob ni Natoy kay Clara (Isabelle Daza) na makilala niya habang nasa trabaho.

Panoorin ang iba’t ibang kuwento ng pag-ibig mula Lunes hanggang Biyernes tampok ang Dolce Amore, 6:30-8:00pm simula Setyembre 4; Tubig at Langis, 12:15-1:30pm simula Setyembre 11; at Twenty Again, 9:10-10:00pm simula Setyembre 18.

Ang Jeepney TV ay mapapanood sa SkyCable channel 9, Destiny Cable Analog 41 at Digital 9.

Show comments