Pagkatapos ng matagumpay na Die Beautiful movie na idinirek ni Jun Lana at pinagbidahan ni Paolo Ballesteros, may bagong movie na sisimulan si Paolo sa bakuran ng OctoArts Films, ang My Wonder Beki na pagsasamahan nila ni Joey de Leon mula sa direksiyon ni Tony Reyes.
Ang My Wonder Beki ay isa lamang sa maraming movie projects na nakatakdang gawin ng OctoArts Films ni G. Orly Ilacad na ganado ngayon sa pagpu-produce ng pelikula bukod pa sa joint venture ng OctoArts Films with Vic Sotto (M-Zet Productions) at Tony Tuviera (ng APT Entertainment).
“Tatlong pelikula ang magkakasunod na sisimulan ng OctoArts Films sa buwang ito,” pahayag ni Boss Orly.
Jake gustong gayahin si Coco
Nakapagsimula nang mag-shooting si Jake Cuenca sa directorial debut ni Coco Martin na siya ring lead and producer ng pelikulang Ang Panday. Likha ito ni Carlo J. Caparas at unang ginawa at pinasikat sa pelikula ng yumaong hari ng action at pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr.
Sobrang na-excite si Jake dahil sa kanya ipinagkatiwala ni Coco ang papel ni Lizardo. Ayon kay Jake, inspired umano siya sa pagiging dedicated ni Coco sa kanyang trabaho at natutuwa siya na siya’y napasama sa isa sa mga official na kalahok sa darating na 2017 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Balang araw ay gusto ring sundan ni Jake ang ginagawa ngayon ni Coco bilang actor, director at producer.