Jessy at JC pinuri sa pananakot, May mag-protesta kaya? Therese Malvar pinakabatang a-list best actress
MANILA, Philippines - Kabilang ang pelikulang Hamog ng Cinema One Originals, at ang horror movie na Salvage mula sa Cinema One at Salida Productions sa gaganaping Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na pinangungunahan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at magaganap sa Agosto 16-22.
Sasamahan nito ang 10 pang mga pelikula na pinili ng FDCP par kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ng Pilipinas. Ito ay ipapalabas sa mahigit 700 sinehan sa buong bansa upang magdala ng magagandang pelikulang Pilipino sa mas marami pang manonood.
“Tampok sa Hamog ang mga kabataang artista na may angking galing sa isang pelikulang nagpakita ng katotohanan na may lalim sa emosyon, samantalang ang Salvage ay isang nakakabilib na pagsubok sa bagong uri ng horror film,” ayon kay Liza Diño-Seguerra, chairperson ng FDCP.
Mula sa direktor na si Ralston Jover, ang Hamog ay tungkol sa apat na streetchildren na nasanay nang gumawa ng krimen upang mabuhay. Dalawang hindi inaasahang pangyayari ang magaganap na magdadala sa mga bata sa mahirap na desisyon.
Ito pa lang umano ang lokal na pelikula sa ngayon na sumali sa dalawang International Federation of Film Producers Associations o FIAPF A-list film festivals at nanalo rito. Nakuha nito ang Outstanding Artistic Achievement Award para kay Ralston sa 19th Shanghai International Film Festival, at ang Silver St. George Best Actress Award para naman sa bidang aktres nito na si Therese Malvar sa Moscow International Film Festival. Bukod sa mga pagkilala mula sa FIAPF, kinilala rin ito bilang Best Film sa Russian Critics Choice Award.
Therese Malvar
Ang nakakabilib na pagganap ni Therese sa Hamog ay naging susi rin upang siya ay bigyan ng New York Asian Film Festival ng Rising Star Award. Siya na ang pinakabatang A-list Best Actress ng bansa sa ngayon. Kasama niya sa nasabing pelikula sina Zaijian Jaranilla, Sam Quitania, Bor Lentejas, OJ Mariano, Anna Luna, Mike Liwag, Lou Veloso at Kyline Alcantara.
Ang found footage film na Salvage ay pinagbibidahan naman nina Jessy Mendiola at JC de Vera, mga miyembro ng isang news team, na tumungo sa isang lugar kung saan sunud-sunod ang patayang nangyayari, at pinaghihinalaang sanhi ito ng atake ng mga aswang.
Mula sa direktor na si Sherad Anthony Sanchez, nakuha ng Salvage ang Best Film Editing award mula sa Young Critics Circle noong nakaraang taon.
Ayon sa review sa Young Critics Circle Film Desk, hindi lang basta sa kwento umaasa ang Salvage para mahatak ang mga manonood, sa halip ay pinapapasok sila ng naturang pelikula sa misteryo at patuloy na paghihirap ng mga karakter. Patunay nito ang huling 20 minuto ng palabas kung saan nagpamalas ito ng kakaibang paggamit ng mga camera angle, editing, ilaw at tunog, at magaling na pagganap ng mga artista upang makapagbigay ng isang maipagmamalaking obra.
Ayon sa direktor na si Rico Ilarde, “sa halip na gamitin ang nasabing genre para sa komersyal na layunin, ginamit ni Sanchez ang pelikula upang magbigay ng kritikal na pahayag tungkol sa kwento ng mga katutubong nabulag sa mga itinuro ng masasamang elementong kanilang pinaniniwalaan.”
Abangan ang Salvage at Hamog sa pinakaunang Pista ng Pelikulang Pilipino sa darating na Agosto 16-22 sa mga tampok na sinehan. Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang Cinema One (@Cinema1channel) at Cinema One Originals (@CinemaOneOriginals) sa Facebook.
- Latest