Maraming personalidad na lalaking naiinlab sa kanilang PA. Paano naman, mas mahabang oras pa ang pinagsasaluhan nila ng kanilang PA kesa sa kanilang misis, hindi nga lang naman retrato ang nadedebelop.
Sa isang umpukan ng mga taga-showbiz ay markado ang naging relasyon ng isang pamosong male singer at ng kanyang PA na in-assign sa kanya ng recording company.
Sa dalas ng kanilang pagsasama sa malalayong shows ay naramdaman na lang ng male singer na hinahanap-hanap na niya ang babae kapag wala silang trabaho.
At nahulog na rin ang loob ng babae sa kanya, maalaga ang PA, pinupunasan siya nito ng pawis sa buong katawan kapag katatapos lang ng kanyang performance.
Kuwento ng aming source, “Hanggang sa lumalim na nang lumalim ang relasyon nila. Nakipag-break ang girl sa boyfriend niyang dancer, nanalo ang male singer sa puso ng babae, kung saan-saan sila nagpupunta kahit walang show ang male singer.
“Magpapaalam siya sa wife niya na may show siya sa isang malayong probinsiya, pero ang totoo, magkasama lang sila ng kanyang PA sa isang resort at du’n nila pinaaalpas ang init ng mga katawan nila.
“Pero dahil karelasyon na nga niya ang girl, sobra namang naging selosa ang babae, inaaway na niya pati ang mga fans na nakikipaglapit sa male singer.
“Hindi na ‘yun nagustuhan ng singer, palagi na nilang pinagdidiskusyunan ang mga fans na yumayakap, humahalik at nagpapa-picture sa tabi niya.
“Hanggang sa isang araw, ang male singer na ang nagdesisyon na maghiwalay na lang sila. Wala nang choice ang male singer, nakasasama na sa takbo ng career niya ang sobrang pagiging selosa ng kanyang PA-girlfriend.
“Naisip niya, kung tuwang-tuwa ang wife niya kapag pinagkakaguluhan siya sa mga pinupuntahan nila, ang PA-girlfriend niya naman, e, palaging nakasimangot, hinahawi ang mga fans na lumalapit sa kanya.
“Hiniwalayan ng male singer ang karelasyon niyang PA, humingi siya ng panibagong PA sa recording company niya, lalaki na ang nag-aasikaso sa kanya sa mga shows, ayaw na niya sa babae.
“Nu’ng panahon na ‘yun nabuo ng male singer ang isang napakagandang piyesa tungkol sa paghihiwalay ng magkarelasyon. Ang ganda-ganda ng lyrics at melody ng kanta, kung tayo’y magkakalayo, sabi sa piyesa,” nakangiting pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Christian Bables minana na ang trono ni Paolo
Dahil sa paglulunsad ng Cignal Entertainment ay muli naming nakita-nakakuwentuhan ang mga kasamahan namin sa trabaho na taon na halos naming hindi nakakasama.
Napakasaya naming muling nakayakap sina Manay Ethel Ramos, Ate Veronica Samio, Eugene Asis, Dindo Balares, Melba Llanera at kahit sandali lang kaming nakapagkumustahan ni Salve Asis na parating pa lang habang paalis na kami ay walang kapalit ang kaligayahang naramdaman namin nu’ng nakaraang Miyerkules nang gabi.
Makabuluhan ang mga pelikulang lalamanin ng Cignal Entertainment na magsisimula nang sumipa sa July 22 sa pamamagitang ng Tukhang. Aabangan din namin ang Born Beautiful na magkahawak-kamay na binuo ng pareha sa likod at harap ng mga camera nina Direk Jun Lana at Perci Intalan.
Namaalam na si Paolo Ballesteros sa Die Beautiful, ang pelikulang nambulabog sa buong mundo, kaya sa Born Beautiful ay ang magaling na aktor na si Christian Bables naman ang tinutukan ng kuwento.
Marami pang pelikulang mapapanood sa Cignal Entertainment, nagpasok din ng kanilang proyekto si Tita Wilma Galvante, sina Mr. Bong Sta. Maria at Jo-Anne Banaga, ang grupo ni Boss Vic del Rosario at iba pang mga produksiyon na puro maipagmamalaki ang mga produkto.
Mapapanood ang handog ng Cignal Entertainment sa mga Cignal TV channels na Sari-Sari 03 SD, Colours 60 SD/202 HD.
Sa pagiging “traffic capital of the world” ngayon ng Pilipinas ay nakatutuwang malaman na hindi na natin kailangang lumabas pa ng bahay para lang makapanood ng mga pelikulang makabuluhan at binantayan ang kalidad.
Cignal TV lang ang sagot, nasa Cignal Entertainment na ang magagandang panoorin, prenteng-prente pa tayong tumututok sa sarili nating tahanan.