12 Pelikulang kalahok sa PPP nabunyag na!

MANILA, Philippines - Star-studded ang launch na ginanap kahapon para sa labindalawang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na proyekto ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na pinangununahan ni Liza Diño. Halos mainstream actors kasi ang bida sa mga pelikulang kalahok sa pinakaunang filmfest kung saan isang linggong (Aug. 16-22) mapapanood sa 60 sinehan sa buong bansa ang Tagalog films na walang kasabay na foreign movies.

Present sina Bela Padilla at JC Santos na bida sa 100 Tula Para Kay Stella ng Viva Films. Medyo sinisipon pa at mukhang pagod ang aktres nang saglit na makausap sila ni JC ng press bago magsimula ang event. Gusto raw mag-travel ni Bela para makapagpahinga mula sa ratsadang taping sa serye niyang nagtapos na My Dear Heart at matapos ihabol ang entry nila sa PPP. Ang 100 Tula… ay sa direksyon ni Jason Paul Laxamana.

Naroon din si Cherie Pie Picache para naman sa pelikulang Pauwi Na ni Direk Paolo Villaluna. Kasama rin sa movie sina Bembol Roco, Meryll Soriano, Jerald Napoles, Jesus Mendoza, at Chai Fonacier.

Kakulitan naman ni Cherry Pie si Candy Pa­ngilinan na katabi niya sa upuan. Kabilang si Candy sa pelikulang Star na si Van Damme Stallone ni direk Randolph Longjas. Kabilang din sa pelikula sina Paolo Pingol, Jadford Dilaco, Sarah Bra­kensiek, Ebong Josom, Acey Aguilar, at Erlinda Villalobos.

Ang ganda naman ni Ryza Cenon na puring-puri ng magaling na screenwriter na si Ricky Lee sa kanyang pagganap sa Ang Manananggal sa Unit 23B. Katabi ng aktres ang kanyang leading man sa pelikulang si Martin Del Rosario. Kasama pa nila sa pelikula ni Direk Prime Cruz si Vangie Labalan.

Matikas naman ang aura ni John Arcilla na nakilala sa pagganap niyang Heneral Luna. Kabilang naman siya sa pelikulang Birdshot ng pinakabatang direktor sa 12 kalahok na si Direk Mikhail Red. Tinatampukan din ito nina Ku Aquino, Arnold Reyes, at Mary Joy Apostol.

Parang medyo maliit naman ang katawan ni Albie Casiño kumpara noong napapanood siya sa On The Wings of Love (OTWOL) nina James Reid at Nadine Lustre. Bida si Albie sa Triptiko ni Direk Miguel Franco Michelena.

Magkakasama naman sina Zaijian Jaranilla, na special mention din nina Direk Joey Reyes at Ricky Lee sa panggulat na akting nito, Teri Malvar, Sam Quintania, at Bor Lentejas para sa Hamog ni Direk Ralston Jover.

Ang iba pang napili sa PPP na mabibigyan ng guaranteed 3-day screening sa 60 sinehan sa buong bansa ang Patay na si Hesus ni Jaclyn Jose kasama sina Melde Montanez, Chai Fonacier, Sheenly Gener, Vincent Viado, Olive Nieto, at Mailes Angelina Kanapi. Director: Victor Villanueva; Paglipay ni Garry Cabalic sa direksyon ni Zig Dulay; AWOL starring Gerald Anderson and directed by Enzo Williams; Salvage na tinatampukan nina Jessy Mendiola, JC De Vera, Joel Saracho, Karl Medina, at Barbie Capacio. Director: Sherad Sanchez; at Bar Boys ni Direk Kip Oebanda na pinagbibidahan nina Carlo Aquino, Rocco Nacino, Enzo Pineda, Kean Cipriano, at Odette Khan.

Sabi rin ni Chair Liza, magkakaroon ng motorcade sa Aug. 13 na magtatapos sa isang all-day outdoor fiesta kung saan magkakaroon daw ng mga palaro tulad ng palo cebo at agawang biik. May giant screen din daw sa Luneta na ise-setup para mapanooran ng mga trailer ng mga pelikulang kalahok sa PPP.

Sa Aug. 15, naman ang gala night at tampok dito ang 1937 film na Zamboanga ni Fernando Poe, Sr. Ito’y para sa selebrasyon ng ika-100 taon ng Philippine Cinema.

To be announced pa raw ang venue ng Awards Night sa Aug. 19.

Show comments