Naglaro kahapon sa Jackpot en Poy ng Eat Bulaga ang former child actress na si Sarah Jane Abad.
Ibang-iba na ang hitsura ni Sarah Jane na gumanap na anak ni Lorna Tolentino sa Kung Ako’y Iiwan Mo, ang pelikula ng Regal Films na pinagbidahan nina Lorna Tolentino, Edu Manzano, Gabby Concepcion, at Zsa Zsa Padilla noong 1993.
Nakakapanibago si Sarah Jane dahil burdado ng tattoo ang braso niya. Malayung-malayo sa bagets na mahiyain pero magaling umarte noong dekada ’90.
Huminto sa showbiz si Sarah Jane nang tumuntong siya sa awkward age pero ang kanyang kapatid na si Kaye ang naging active sa showbiz.
Ang buong katawan at hindi lang ang braso ni Sarah Jane ang burdado ng tattoo na impluwensya ng kanyang mister na si Jay Contreras, ang lead vocalist ng Kamikazee. May mga anak na sina Sarah Jane at Jay na maingay ang pagpapakasal noong 2002 dahil black ang color motif nila.
Boyet bagong ‘Maldita Man’
Si Christopher de Leon ang bagong image model ng Maldita, ang sikat na clothing company na may mga branch sa leading malls.
Makikita sa Maldita stores ang mga naglalakihan na poster ni Christopher na perfect endorser ng Maldita Man.
Mga former celebrity endorser ng Maldita Man sina Hayden Kho, Jr. at Luis Manzano.
Fil-Am filmmaker natagpuan ang tunay na ina
Pinaiyak na naman ni Jessica Soho noong Linggo ang viewers ng Kapuso Mo Jessica Soho dahil ipinakita sa top rating program ng GMA 7 ang closure ng paghahanap ng filmmaker na si Jojo de Carteret sa biological mother nito.
Five years old si Jojo nang mapulot ito sa Muñoz market noong 1985 at inilagak sa isang bahay ampunan sa Quezon City pero walang nag-claim kaya inampon siya ng Australian couple na nagdala sa kanya sa Australia.
Tinulungan si Jojo ng staff ng Kapuso Mo Jessica Soho sa paghahanap sa kanyang tunay na ina. May nagpakilala na nanay niya pero hindi match ang DNA test sa kanila hanggang lumantad ang isang Linda aka Herminia Rio.
To make the long story short, pinagtagpo sina Jojo at Linda ng Kapuso Mo Jessica Soho, sumailalim sila sa DNA test pero bumalik si Jojo sa Australia bago niya nalaman ang resulta.
Sa episode ng KMJS noong Linggo, ipinakita ang pagbabalik ni Jojo sa Pilipinas, kasama ang kanyang adoptive mother na Australyana.
Lumabas na rin ang resulta ng DNA test at napatunayan na si Linda ang biological mother ni Jojo kaya nagkaroon ng happy ending ang misyon ng Fil-Australian filmmaker.
Dalawa na ngayon ang nanay ni Jojo na maligayang-maligaya at nangako na mapapadalas ang pagbisita sa Pilipinas para makapiling ang biological mother niya.
Hindi naman naging pabaya na nanay si Linda dahil hinanap niya si Jojo nang mawala ito pero nabigo siya.
Nagpapasalamat si Linda sa Diyos at sa bumubuo ng KMJS dahil nagbunga ng maganda ang gabi-gabi na pagdarasal niya na matagpuan ang kanyang anak na nawala.
Puwedeng-puwede na isadula ng Magpakailanman ang inspiring na life story nina Jojo at Linda na hindi nawalan ng pag-asa na darating ang panahon na muling magkakasalubong ang landas nila. Kumpleto na ang pagkatao ni Jojo dahil nakilala na rin nito ang kanyang biological father na US-based na at matagal na hinanap ang kinaroroonan niya.
Masayang-masaya rin ang Australian adoptive mother ni Jojo dahil nasagot na ang maraming katanungan na gumugulo sa isip ng kanyang adopted son na itinuring nila ng asawa niya bilang tunay na anak.