MANILA, Philippines - Mapapalaban nang husto ang Gilas Pilipinas laban sa matitikas na koponan sa 2017 FIBA-Asia Cup na gaganapin sa Agosto 10 hanggang 20 sa Nuhad Nawfal Stadium sa Beirut, Lebanon.
Base sa resulta ng draw na isinagawa ng FIBA Asia ay pasok ang Pilipinas sa Group B kasama ang powerhouse Australia, Japan at Chinese-Taipei.
Maglalaro naman sa Group A ang China, New Zealand, South Korea at Hong Kong, samantalang lalarga sa Group C ang host Lebanon, Syria, India at Jordan, at ang Iraq, Qatar, Kazakhstan at Iran na hahataw sa Group D.
Ang FIBA-Asia Cup ang magsisilbing qualifying tournament para sa 2019 FIBA World Cup na idaraos naman sa China.
Kaya naman inaasahang haharap sa matinding pagsubok ang Gilas dahil ang Australia ay kasalukuyang No. 10 sa world ranking ng FIBA, habang ang Pilipinas ay nasa ika-27 puwesto.
Babanderahan ang koponan ng mga beteranong sina Andrew Bogut, Dante Exum, Ben Simmons at Patty Mills.
Bago makalaro sa FIBA Asia Cup ay kinakailangan muna ng Gilas Pilipinas na magkampeon sa 2017 SEABA Men’s Basketball Championship na gaganapin sa Mayo 12 hanggang 18 sa Smart Araneta Coliseum.
Dumating na sa bansa si naturalized player Andray Blatche kaya naman todo-ensayo na ang Gilas Pilipinas upang masiguro na handang-handa sila sa SEABA meet.
Si Blatche ay susuportahan sa SEABA nina Calvin Abueva, Japeth Aguilar, June Mar Fajardo, Terrence Romeo, Troy Rosario at Jayson Castro at mga baguhang sina Jio Jalalon, Roger Pogoy, Matthew Wright, Raymond Almazan at Allein Maliksi.
Unang daraan sa palad ng Gilas Pilipinas ang Myanmar sa opening day kasunod ang Singapore sa Mayo 13 kasunod ang Malaysia sa Mayo 14, Thailand sa Mayo 16, Vietnam sa Mayo 17 at ang Indonesia sa Mayo 18.
Hawak ng Pilipinas ang pinakamaraming titulo sa liga sa 11 edisyon tangan ang pitong kampeonato na nakuha noong 2015, 2009, 2008, 2007, 2003, 2001 at 1998.