Hindi ko siguro mapapatawad ang nag-imbita sa Thanksgiving Videoke Party ni Gary Valenciano na si Chuck Gomez kung nakalimutan niya akong pasabihan para sa nasabing okasyon. Orihinal na Garynian yata ako. Wala ni isa mang konsyerto na ginawa rito sa Kamaynilaan si Gary V na hindi ko pinanood at sinayawan. Marami na akong napalampas na presscon na hindi ko ininda dahil marahil sa hindi ako kaibigan ang mga nangimbita o kaya naman ay nakalimutan na nilang kahit gaano kaliit ay may maitutulong ako sa proyekto na gusto nilang maipaabot sa lahat.
Na-miss ko sana ‘yung napakagaling na performance ng tinaguriang Mr. Pure Energy na masasabi kong nakahihigit ng malaki sa marami niyang pagtatanghal dahil pawang media people ang audience niya. Kailangang worth it ng kanilang precious time ang ginawa nilang pagpunta sa isang lugar na hindi karaniwang pinaggaganapan ng presscon, pero bagay na bagay sa tema ng pagkikita na isang kantahan.
Malaki ang pasasalamat ni Gary V sa ginawang pagsuporta ng media sa commercial at critical success ng dalawang gabing Valentine concert niyang Love In Motion at sa pagiging juror ng Your Face Sounds Familiar Kids. Ngayon ay bubuksan niya ang finale season ng Gary V… Presents na nilikha niya kasama ang kumpanya nilang Manila Genesis at ng anak niyang si Paolo Valenciano bilang direktor. Magsisilbi rin itong selebrasyon ng ika-34 anibersaryo ni Gary V sa showbiz. Magaganap ito sa Mayo 12, 13, 19, at 20, 8 NG, sa The Theater At Solaire.
Para sa finale season makakasama ni Gary V ang mga popular na naging kontisero ng The Voice of the Philippines na sina Mitoy Yonting, Janice Javier, RJ dela Fuente, Tim Pavino at isa sa mga miyembro ng grupong Daddy’s Home na si Allan Solonga; ang online sensation at produkto ng The X Factor Philippines at tinatawag na Suklay Diva na si Katrina Valerde; ang classical pop singer at alaga ni Ogie Alcasid na si Lara Maigue. Napapalakpak ni Lara ang lahat ng press sa pag-awit niya ng Sa Kabukiran. Kasama rin sa finale season ng Gary V Presents ang dating Miss Saigon na si Carla Guevara Laforteza; ang the Search For a Star na si Jimmy Marquez; ang produkto ng Elements Songwriting Camp na si Bullet Dumas; ang songwriter na si Kiana Valenciano at sina Jason at Joshua Zamora ng Manoeuvres at ang Adlib Dancers.
Napaisip ako kung bakit ang dami-daming guest ni Gary V. Nag-aalala ako na baka kakaunti na lamang ang maging participation niya until maalala ko na ito nga pala ang layunin ng Gary V Presents, ang mai-showcase ang maraming talents sa iba’t ibang genre ng musika - R&B, jazz, world music, classical, pop at iba pa. Sa rami nila, maaaring humaba ang show.
Kris natameme na
Nakakaramdam ako ng awa kay Kris Aquino. Hindi talaga siya tatantanan ng mga ayaw sa kanya hangga’t hindi nila napapatunayan na ganun lang kaliit ang sinasabi niyang participation sa isang Hollywood film.
Sa halip na makisimpatiya, mas natutuwa sila na hindi ito nakasali sa listahan ng mga artista na binanggit ng may akda ng libro na pinagkunan ng pelikula. Kaya ba tumahimik na lamang at hindi na nagpu-post ng anuman ang dating presidential daughter and sister? Tsk. Tsk. Tsk.
Janine kinalaban ng kapatid
Mukhang mahihirapan na si Grace (Janine Gutierrez) na matalo ang kalaban nila ni Edward (Mikael Daez) na si William (Marc Abaya) kung pati ang kadugo niya’t kapatid na si Charee (Lauren Young) ay bumaliktad na at kumampi sa kanyang kinakasama.
Kung ang kanyang pamilya ay kaya nang tablahin ni William, si Grace pa kaya ang hindi gayung lumabis na ang obsession niya rito at nawala na siya sa huwisyo? Ito ang maigting na kabanata ng Legally Blind na umaagaw ng interes ng manonood ng GMA sa hapon.