Aktres nagpapanggap na madatung sa mga nakakarelasyon!

Lahat na yata ng paglalarawang maihahambing sa makakating bagay ay nagamit na ng mga kaibigan ng isang babaeng personalidad na walang-walang leksiyong natututuhan sa kanyang nakaraan.

Bagsak-bangon ang female personality, palaging laslas ang kanyang bulsa dahil sa katangahan niya sa pag-ibig, pero sa kabila nu’n ay patuloy pa rin siyang nagpapakatanga.

Sabi ang isang miron, “Taga-Makati ang babaeng ‘yun! Nanghihiram lang ng kati sa kanya ang laing-Bicol! Pati ang higad, kinakabog niya sa kakatihan!

“Malanturay ang babaeng ‘yun! Kabog niya sa kahitaran pati ang lumulundag-lundag na hipon! Ewan nga ba kung bakit siya ganyan!”

Dahil sa kanyang mga kakulangan ay idinadaan ng female personality ang pakikipagrelasyon sa pera. Sa mga materyal na bagay. Big spender siya pero hindi para sa kanyang sarili kundi sa kanyang karelasyon.

Sabi uli ng aming impormante, “Saan ka naman makakakita ng tulad niya na pink slip pa lang ang hawak niya sa paggi-guest sa mga shows, e, naghahanap na siya ng mapagpapalitan para maging cash na ‘yun?

“Kasi nga, aalagwa na naman siya, give na naman niya ang mhin na ‘yun lang naman ang habol sa kanya, sa totoo lang! Sino ba naman kasi ang makikipagseryosohan sa kanya, sige nga?” inis na kuwento pa ng aming source.

Para mabingwit ng babaeng ito ang type niyang lalaki ay naglilitanya siya ng mga kuwentong walang katotohanan. Kesyo napakarami raw niyang pera, hindi na nga raw niya alam kung saan niya ‘yun dadalhin, dahil lahat ng pinapangarap niyang materyal na bagay sa mundo ay nasa kanya na.

“Kundi ba naman luka-luka ang bansuting babaeng ‘yun, e! Una, wala naman siyang ipon, naubos na niya sa kahitaran niya. Ikalawa, wala naman siyang career, paminsan-minsan lang siyang nagkakaraket.

“Ikatlo, sino naman kasi ang seseryoso sa kanya, e, kapag nagkatabi sila ng lalaki, para lang siyang maliit na stuffed toy? Mahal umibig ang hitad na ‘yan! Give siya nang give, pero wala namang bumabalik sa kanya!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Andi gustong itulad si Jake kay Albie!

Sa lahat ng mga nagaganap ngayon sa buhay ni Andi Eigenmann at Jake Ejercito ay napapangiti na lang siguro nang palihim si Albie Casiño. Hay, naku, sabi siguro ni Albie, tapos na ako sa mga katsipang ‘yan!

Dati kasi ay si Albie ang nasa posisyon ni Jake ngayon. Inaalipusta, minumura-mura at winawasak ni Andi ang kanyang imahe at pagkatao.

Kundi dahil sa pagbibintang ni Andi na si Albie ang ama ng kanyang ipinagdadalantao ay wala sanang Daniel Padilla ngayon na kapareha ni Kathryn Bernardo.

Kasado na ang lahat, nagte-taping na ang ibini-build-up na loveteam para sa una nilang proyekto, nang biglang sumabog ang balitang nagdadalantao si Andi at si Albie ang itinuturong ama nito.

Natural, paano tatanggapin ng publiko ang loveteam nila ni Kathryn kung ganu’n na may dapat pala siyang panagutan kay Andi, nagpa-audition ang ABS-CBN ng papalit sa kanya bilang kapareha ng young actress.

At du’n na nga ipinanganak ang KathNiel. Naitsapuwera si Albie dahil sa kuwentong siya ang dapat managot sa dinadala ni Andi sa kanyang sinapupunan.

Umalma si Albie, ipinagpilitan ng young actor na hindi siya ang ama ng sanggol, pero dahil sa husay magsalita ni Andi ay napuruhan siya nang husto.

Tiwa-tiwayway na litanya ang ipinost ni Andi, nakisawsaw pa sa kontrobersiya si Jaclyn Jose, kaya walang nagawa si Albie kundi ang manahimik na lang.

Pero wala ngang lihim na hindi nabubunyag. Nagmukhang iresponsable man sa mata ng publiko nu’ng una si Albie ay biglang nagliwanag ang lahat dahil may Jake Ejercito na umako sa responsibilidad kay Ellie.

Niyakap ni Albie Casiño ang bendikasyon, napatunayan niyang wala siyang kasalanan, pero sa halip na balikan-gantihan si Andi ay ipinagpasa-Diyos na lang ng kanyang pamilya ang lahat.

Tahimik na ang buhay ni Albie Casiño, may girlfriend na siya at maayos ang daloy ng kanilang relasyon, habang si Andi Eigenmann naman ay nasa gitna pa rin ng giyera, kalaban si Jake Ejercito.

Deactivated na ang kanyang Twitter account ngayon, pero ang tanong ng buong bayan, hanggang kailan makatitiis si Andi na basta manahimik lang?

 

Show comments