Love scene nina Piolo at Yen, bitin!
Maganda naman ‘yung pinaka-huling venture ni Piolo Pascual bilang artista at prodyuser ng pelikulang Northern Lights: A Journey To Love. Nakakaiyak pero feel good. Masaya mong lilisanin ang sinehan sa kinalabasan ng romansa nina Piolo at Yen Santos at ng relasyon nila ng anak na ginampanan ni Raikko Mateo. Pasalamat din ang mararamdaman ng lahat ng manonood ng movie sa pagkakataong ipinagkaloob ng pelikula para masaksihan ‘yung Aurora Borealis na sa iskwela lamang natin naririnig.
Hindi ko lamang alam kung nasa Alaska ba ang eksena ng pelikula o nasa New Zealand. Ang alam ko lang, mayelo sa Alaska.
Nakapag-deliver naman si Yen pero, alam kong bitin ang mga manonood sa love scene nila ni Piolo. Sina Piolo at Raikko ang talagang bida ng movie.
Kung mas malaking artista pa ang nakapareha ni Piolo, magkakaproblema pa ang direktor ng pelikula na mas mapalutang ang istorya ng mag-ama dahil makakaagaw pa ang love story nina Piolo at Yen.
Arjo ‘di type si Erich!
Hindi man direkta pero parang itinanggi na rin ni Arjo Atayde ang pagli-link sa kanila ni Erich Gonzales sa pamamagitan ng pagsasabi na si Jane Oiñeza ang talagang nililigawan niya at wala nang iba.
Ex ng sikat na basketball player na si Jeron Teng si Jane. Ang sikat na cager nga ang naging special guest ng magaling na young actress nang mag-debut ito sa loob ng Pinoy Big Brother house. May ibang karelasyon na si Jeron.
Marlon lusot sa kambal na anak?!
Hindi na gaanong hadlang ngayon para hindi pakasalan ng isang babae ang kanyang nobyo dahil lang may anak na ito, and vice versa. Ang mahalaga ay wala itong asawa, At ito si Marlon Stockinger, ang car racer na boyfriend ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Pinag-uusapan ngayon at iniintriga ang dalawa dahil lumabas na mayro’n na palang anak ang guwapong karerista sa isang modelo na siyam na taon ang tanda sa kanya. Lumabas ang modelo para ipagtanggol ang kanyang sarili at magbigay linaw din sa ilang detalye na may kinalaman sa kanila ni Marlon. Sinabi rin niya na bagaman at binigyan siya ng panggatas ng mga magulang ni Marlon para sa mga kambal niya, wala siyang regular na sustento na tinatanggap para sa mga anak niya, at hindi siya nanghihingi. Yun na!
Debut ni Loisa gagastusan
Pagtutuunan pala ng pansin ng Kapamilya Network ang PBB alumna na si Loisa Andalio. Patatapusin lang muna nila ang 18th birthday nito at pagkatapos ay mabilis na nila itong itutulak para mas sumikat pa.
Gagastusan ng Star Events ang kanyang debut na dapat abangan para malaman kung sinong young actor din ang bibigyan ng ispesyal na trato bilang escort niya. Katatapos lamang niyang magbida sa Wansapanataym: My Hair Lady at napapanood Lunes hanggang Biyernes sa My Dear Heart.
Ang sinimulang romansa sa kanila ni Joshua Garcia ay nauwi lamang sa pagkakaibigan.
Richard may sinayang sa Kapamilya?!
Hindi wise on Richard Gutierrez’s part na tanggihan ang offer sa kanya ng ABS-CBN. Hindi naman siguro nila siya aalukin ng basta-bastang proyekto dahil nakapag-establish na naman siya ng kanyang karera at posisyon na mas nakakalamang na nasa itaas pa kaysa sa ibaba.
Hindi man siya nawala, hindi naman maitatanggi na matagal siyang hindi napanood. At least he has to compromise, ‘di ba tita Annabelle?
- Latest