MANILA, Philippines - Ika nga, mahirap kilatisin kung tama nga ba o mali ang mga taong pinipili nating papasukin sa ating buhay. May nakakabuo ng masayang relasyon. Pero meron din namang mga taong dala ay kasamaan at may motibo ng karahasan.
Tunghayan ngayong Sabado ang kwento ni Wendy. Isang transgender na nagmamay-ari ng isang kilalang beauty parlor sa Sampaloc. Dahil mag-isa lang sa Maynila, ang kanyang mga kaibigan ang itinuring niyang pamilya. Hindi lang siya kilala bilang magaling na beautician kundi bilang isa ring matulunging kaibigan. Kaya marami ang nagtaka at nagulat noong matagpuan na lamang siya sa kanyang parlor na tadtad ng saksak at wala nang buhay. Sinasabing limang araw na lang ay binabalak na ni Wendy na umalis ng Maynila at umuwi sa ipinatayo niyang bahay sa Samar kasama ang kanyang bagong boyfriend na si Jerry.
Pero dahil sa madalas nilang pag-aaway ni Jerry, ito ang isa sa pinaghinalaang pumaslang kay Wendy. Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, pagnanakaw ang naging motibo. Mga cellphone, alahas, at pera ang napag-alamang nawala sa kwarto ni Wendy matapos ang krimen. Pero sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat, lumitaw ang pangalan ng best friend ni Jerry na si Jacob bilang salarin sa natamong dalawampu’t dalawang saksak ni Wendy na agad nitong ikinamatay.
Ano ang naging partisipasyon ni Jacob sa krimen? Ano ang naging papel niya sa buhay nina Wendy at Jerry? Paano niya nagawa ang marahas na pagpatay sa lover ng kanyang best friend kung pagnanakaw lang ang motibo?
Mula sa masusing pananaliksik ni Karen Lustica, sa panulat ni Loi Nova, at mahusay na direksiyon ni Albert Langitan, alamin ang mas malaking intrigang bumabalot sa likod ng krimeng tumapos sa buhay ni Wendy, ngayong Sabado ng hapon sa Case Solved! Pagkatapos ng Eat Bulaga.