Three weeks na mawawala sa Pilipinas si Dr. Rob Walcher, ang magaling na chiropractor husband ni Patricia Javier dahil magbabakasyon sa Amerika ang pamilya niya.
Kahit nasa US ang Walcher family, bukas ang wellness clinic nila sa Morato para sa mga gustong bumili ng kanilang wellness pillow na may small, medium and large sizes.
Sasamantalahin ng Walcher family ang Holy Week para mabisita nila ang mga magulang at kapatid ni Rob sa Amerika.
May dadaluhan din na dalawang seminar si Rob tungkol sa bagong techniques sa chiropractic treatment.
Ini-endorse na make up ni Patricia ginagamit ni J.Lo
Pormal na ipinakilala si Patricia Javier bilang celebrity endorser ng Girlactik, ang make up na sikat sa Amerika na mabibili na rin sa Pilipinas.
Ang Filipina-Japanese businesswoman na si Lot Ito ang exclusive distributor ng make up brand na ginagamit ni Jennifer Lopez at ng ibang mga sikat na Hollywood stars.
Nagkakilala sina Lot at Patricia sa isang event. Nagustuhan agad ni Lot ang ugali ni Patricia kaya ito ang kinuha niya na celebrity endorser ng Girlactik na bagay na bagay sa Pinay complexion.
Si Lot na isang dental technician ang exclusive distributor sa Japan ng Girlactik cosmetics na paborito na rin ng mga Japanese.
Balang star na star sa show ni Ellen Degeneres
Umapir uli si Balang sa Ellen, ang sikat na talk show ni Ellen DeGeneres sa Amerika.
Paboritong-paborito ni Ellen si Balang dahil sa cute na pagsasayaw nito.
In fairness, marunong nang magsalita si Balang ng American language dahil nasasagot na niya ang mga tanong ni Ellen. Nadagdagan na rin ang self-confidence ng bagets na na-discover dahil sa viral videos niya sa YouTube.
Pati ang Pinay interpreter ni Balang, tama na rin ang translation sa mga Tagalog na sagot ng budding child actor.
Masaya na ikinuwento ni Balang na may lisensya na siya bilang Zumba instructor dahil natuwa sa kanya ang officer ng isang zumba organization sa Pilipinas.
Hindi na maabot si Balang dahil international star na ang tawag sa kanya ni Ellen.
Mariel pasok sa Top 15 ng beauty experts
Ang anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong na si Mariel ang isa sa mga popular candidate ng Bb. Pilipinas 2017.
Tinutukan si Mariel ng mga miyembro ng media sa press presentation ng Bb. Pilipinas noong Miyerkules at kasama siya sa listahan ng Top 15 candidates ng mga beauty expert.
Repeater ng Bb. Pilipinas si Mariel. Marami ang nagsasabi na malaki ang tsansa niya na mapanalunan ang isa sa anim na beauty title ng Bb. Pilipinas dahil blooming na blooming siya.
Unang sumali si Mariel sa Bb. Pilipinas 2013 at batchmate niya si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na first runner up noon.