Ang nagagawa nga naman ng pag-ibig. Lahat-lahat talaga ay kayang isakripisyo ng isang umiibig para lang mapagbigyan at mapaligaya ang kanyang minamahal.
Walang kuwestiyon. Walang kunsiderasyon. Walang kailangang paliwanag. Basta pag-ibig lang ang tanging dahilan.
Matindi ang tumamang lason ng pana ni Kupido sa puso ng isang male personality para sa isang babaeng personalidad na nagpabago sa takbo ng buhay ng pamilya ng aktor.
Ang dating solidong pagsasama-sama ng magkakapamilya ay naapektuhan sa isang iglap, kinailangang umalis ang mga magulang at mga kapatid ng aktor sa bahay na in fairness ay siya naman ang nagpundar.
Mas malaki ang partisipasyon niya sa pagbili ng bahay, pero malaki rin ang naitulong ng kanyang pamilya, kaya para sa kanila ang nasabing lugar at hindi para sa aktor lang.
Kuwento ng aming source, “Puwede palang mangyari ang paghihiwa-hiwalay ng isang pamilya nang dahil sa isang tao lang? Kapag na-in-love pala ang isang tao, e, kaya niyang isakripisyo ang lahat-lahat kahit ang mismong family niya?
“Ganu’n mismo ang nangyari kay ____(pangalan ng pamosong male personality), kinaya ng kunsensiya niya na mawala sa tabi niya ang mismong family niya, ibang tao ang pinatira niya sa bahay nila.
“’Yun ang mga taong kaibigan ng babaeng mahal na mahal niya, mga katropa, mga katrabaho. Imagine, kinaya niyang mawala ang parents at mga kapatid niya nang paganu’n na lang?” simulang kuwento ng aming impormante.
At hindi lang ‘yun. Nang magsama na ang mag-boyfriend,e , dinala na rin ng girl sa bahay ng BF niya ang mga alaga niyang aso! Ang guy na walang kahilig-hilig sa aso nu’n, e, walang naging choice kundi ang tanggapin na lang ang mga aso ng girlfriend niya!
“Nakakaloka, di ba? Mabuti pa ang mga aso ng girl at may sariling tirahan, samantalang ang family ng guy, e, nangungupahan na lang ngayon.
“Haaaay, naku! Ang nagagawa nga naman ng pag-ibig! Hahamakin ang lahat, mapaligaya lang ang kanyang minamahal!” nakataas ang kilay sa tenth floor na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Pikon Mocha ‘di alam ang patas na laban
Bago siya magpakaaktibo sa pamumuna sa mga pulitikong hindi nila kaalyado ay kailangan munang bumalik sa katotohanan si Mocha Uson. Makipagkilala muna siya sa salitang fairness. Kaparehasan.
Dapat muna niyang tanggapin na kung may kalayaan-karapatan siyang pumuna ng ibang taong ayaw niya ay nakabukas din ang kanyang puso at isip sa pagtanggap sa mga komento ng mga taong ayaw rin sa kanya.
Ganu’n talaga dapat ang senaryo. Hindi natin makukuha nang isandaang porsiyento ang pagkampi ng publiko sa atin, kailangang lawakan natin ang ating pasensiya, may kani-kanyang paninindigan ang bawat tao.
Pikon kasi si Mocha Uson. Napakagaling niyang magpakawala ng mga salitang nanunugat sa damdamin ng iba, pero kapag siya naman ang binalikan, ayaw na ayaw niyang nasusugatan siya.
Hindi parehas ang ganu’ng laban. Puro siya pakabig, kailangang lahat ng makabasa sa kanyang blog ay umayon sa gusto niyang palabasin, para bang ang bawat opinyon niya ay ‘yun na ang katotohanan.
Huwag ganu’n. Nabubuhay tayo sa isang malayang bansa at kakambal nu’n ang kalayaan sa pamamahayag. Walang pilitan. Walang kampihan. Kung ano ang paninindigan ay ‘yun ang dapat pairalin at palutangin.
Halos murahin na niya ang mga tinutukoy niyang Dilawan. Ano kaya ang inaasahan ng babaeng ito, basta na lang mananahimik ang kampong nilalapastangan niya, basta na lang tatanggapin ng mga ito ang kanyang pang-aalipusta?
Kung may dila siya ay hindi pipi ang kanyang mga tinutuligsa. Kung may mga daliri siyang napakasipag pumindot ng mga pintas at pangmemenos sa mga Dilawan ay may utak at mga kamay rin ang kanyang mga kinakalaban.
At kung anuman ang ibalik sa kanya ng mga ito ay kailangan niyang tanggapin. Kung ayaw niyang masaktan ay huwag din siyang nananakit.
Nasa Golden Rule ‘yan. Na dapat ay alam na alam ng matalinong si Mocha Uson.