Ang buhay nga naman. Parang life. At mapagbiro ang kapalaran. Umiikot ang gulong ng buhay. Ang oportunidad na pagkaganda-ganda, kapag hindi iningatan, ay talagang humuhulagpos sa ating mga kamay.
Nagkaroon ng pagkakataon nu’ng kasagsagan ng career ng isang female personality na sangdamakmak ang kanyang mga sasakyan. Nagpipista siya sa pamimili ng sasakyang gagamitin niya sa shooting, depende sa rami ng kanyang mga kargada ang laki at liit ng sasakyang gagamitin niya, ganu’n kapaboloso ang kanyang lifestyle.
Magagarang kotse at van ang meron siya, mabilis din siyang magsawa, ilang buwan pa lang sa kanya ang sasakyan ay ibinebenta-pinapalalitan na niya. Kung ano ang bagong labas ay siguradong meron nu’n ang babaeng personalidad.
Kuwento ng isang dating malapit sa female personality, “Kaso, hindi niya naman iningatan ang mga opportunities na dumating sa kanya. Nagpabaya siya, inuna niya ang mga kapritso ng katawan niya, kaya ano ang nangyari?
“Ang sakit malaman na kung dati, e, inaalikabok sa garahe ang mga sasakyan niya, ngayon, e, wala siya kahit isang kakarag-karag na kotse! Kapag meron siyang tinatanggap na trabaho, kasama sa kontrata niya ang service, kailangan siyang pahiramin ng car ng production!
“Nakakaloka! Kung walang ipagagamit na car o van sa kanya ang pinagtatrabahuhan niyang production, e, magta-taxi siya, sigurado ‘yun, dahil wala siyang naipundar na kahit maliit at lumang kotse lang!
“Hatid-sundo siya, samantalang dati, kung ano ang feel niyang gamiting sasakyan, ‘yun ang dala-dala ng piloto niya! Nakakalungkot ang nangyari sa babaeng ‘yun, pinagtampuhan talaga siya ng kapalaran,” napapailing na kuwento ng aming impormante.
Madalas maisakay ngayon ng mga taxi drivers ang female personality. Tapos na ang paggamit niya ng libreng service ng production, kaya sa kanyang mga lakad, kailangan na niyang mag-taxi.
“Wala na nga siyang bahay, umuupa lang siya ngayon, wala pa rin siyang sasakyan. Nakakalungkot, di ba? Umikot na kasi ang gulong ng buhay. Nakakaawa nga siya, pero siya ba mismo, e, naaawa sa sitwasyon niya ngayon?
“May pinakikinggan ba siya? Waley! Isang tao lang ang palaging tama para sa kanya! Puwes, magsama silang dalawa!” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Nawalang ningning ni Kris hindi pa rin mapaniwalaan
Sana naman ay wala nang maging aberya ang pagbabalik-telebisyon ni Kris Aquino. Una at huli na sana ang nangyaring freak accident na naengkuwentro niya habang nagte-taping para sa kanyang travel show.
Nausod nang dalawang linggo ang pagpapalabas ng Trip Ni Kris, umaasa ang kanyang mga tagahanga na mapapanood na ‘yun sa March 26, pero nag-abiso ang aktres-TV host na sa April 9 na ang unang airing ng kanyang programa.
Ngayon nararanasan ni Kris ang hirap sa pagbubuo ng isang episode ng show. Kung dati’y host lang siya at may produksiyong namamahala sa ibang aspeto, ngayon ay siya ang namamahala sa lahat-lahat, dahil siya rin ang producer ng kanyang palabas.
Sino nga ba ang mag-aakala na ang isang dating nagrereyna-reynahan sa isang network ay bibili pala ng airtime ngayon sa isang istasyon para magkaroon ng puwang ang kanyang programa?
Blocktimer ngayon si Kris, meron siyang kasosyo sa kanyang production, pero para sa mas nakararami ay parang hindi pa rin kapani-paniwala ang mga nangyayari sa kanya.
Kumbaga ay napakasarap na ng tulog niya sa kutson, pero bigla pa siyang nauwi sa banig, kung ang kanyang career ang pagtatalunan. Meron siyang salapi, hindi na siya maghihirap kahit mabuhay pa siya nang ilandaang taon, pero bakit nga ba napunta sa ganito ang kapalaran ng kanyang career?
Windang pa rin ang maraming taga-showbiz kapag ‘yun ang nagiging paksa, walang nag-aakala na ganito ang kauuwian ng napakaningning na bituin ni Kris Aquino, pero posible palang mangyari ang ganyan?
Wala ngang katiyakan ang career ng mga artista. Walang garantiya. Nand’yan lang sila ngayon pero kapag kinapitan ng kaalatan ang kanilang karera ay naglalaho ang kinang ng kanilang estrelya.