Ang Twitter ang isa sa tatlong social media platform na pinaka-suki hindi lang ng mga artista sa bansa kundi maging sa buong mundo. Nagsimula ito taong 2006, dalawang taon matapos ‘ipanganak’ ang Facebook.
Sa big three (Facebook, Twitter, Instagram) social media networking sites, ang Twitter ang pinakamadali at mabilis na platform kung nais ng pinaka-latest na balita at tsika. May 140 characters ang bawat ‘tweet’ kaya isa rin ito sa mga micro-blogging site na tinatawag.
Ginagamit ng mga artista ang Twitter sa paglalabas ng kanilang saloobin in an instant. Maaari na rin mag-upload ng photos at videos sa nasabing platform kaya ito ang paborito ng ibang netizens dahil simple at madaling makakita agad ng tsika tungkol sa kanilang paboritong artista.
Sa Twitter din nagsimula ang hashtags. Ang tweet ay maaaring lagyan ng hashtag, ito rin ang magsasabi kung ano ang latest na trending sa Twitterworld o ‘yung pinaka-pinag uusapan sa oras ‘yun.
Narito ang 31 Pinoy celebrities sa bansa na may pinaka-maraming followers as of March 13.
1. Angel Locsin (@143redangel) - 8.58M
Ang tinaguriang “Darna” ng local entertainment, nangunguna si Angel sa Pinoy celebrities na most followed sa Twitter. Nagsimulang mag-tweet si Angel noong July 2009. Sa kasalukuyan, pawang Instagram-linked posts ang makikita sa kanyang Twitter feed.
Wala pang pelikula at teleserye si Angel sa kasalukuyan.
2. Jose Marie Viceral (@vicegandako) - 8.49M
Taong 2010 naman nagsimula si Vice Ganda sa Twitterworld na pumapangalawa sa listahan. Aktibo pa rin si Vice sa Twitter at palaging may update tungkol sa kanyang buhay. Masipag siyang gumamit ng hashtags.
3. Anne Curtis-Smith (@annecurtissmith) - 8.47M
Hindi rin pahuhuli si Anne Curtis na inumpisahan ang pagti-tweet noong March 2009. Araw-araw ding updated ang kanyang Twitter account at naka-link din ang kanyang Instagram account dito.
4. Kathryn Bernardo (@bernardokath) – 6.71M
Gamit na gamit naman ni Kathryn ang kanyang account sa pag-promote ng kanyang endorsements. Naka-link din ang kanyang IG account. October 2010 naman siya sumali sa Twitter.
5. Yeng Constantino (@YengPLUGGEDin) – 6.38M
Halos oras-oras naman may update si Yeng sa kanyang Twitter page at Facebook account naman niya ang naka-link dito. Masipag din sumagot si Yeng sa kanyang fans.
6. Bianca Gonzalez (@iamsuperbianca) – 6M
Halo-halo naman ang makikita sa feed ni Bianca dahil naka-link ang kanyang IG account bukod sa mahilig siyang mag-tweet at retweet. Makikita rin ang kanyang political views sa mga kaganapan sa bansa. Nadagdagan ang updates ni Bianca nang mag-asawa (JC Intal) at magkaanak siya.
7. Daniel Padilla (@iamdanielpadilla) – 5.69M
Tinalo naman ng kanyang GF na si Kathryn, nasa pampitong spot si Daniel sa listahan. Madalang mag-tweet si Daniel na ang kadalasang ipinu-post ay kanyang endorsements at connected din dito ang kanyang IG account. Mahilig sa sapatos si Daniel at dito sila nagka-kontakan ng paborito niyang NBA player na si Stephen Curry.
8. Luis Manzano (@luckymanzano) – 5.36M
Puro naman IG post ang makikita sa kanyang feed o kaya retweet ng mga tweet kung saan siya naka-tag. Pero sumasagot si Luis sa bashers. Nabasa rin ng kanyang followers sa Twitter ang pambabastos ng isang basher na tinawag siyang bakla. Ipinost ni Luis ang account ng babae pero balak din niya itong tanggalin dahil humingi na ito ng paumanhin. Post ni Luis, “So the lady has apologized all good with me :) will take down post in a few :)”
9. KC Concepcion (@itskcconcepcion) – 5.17M
Kahit naman “absent” si KC sa showbiz dahil wala siyang pinagkakaabalahang TV show o pelikula, updated ang kanyang fans dahil aktibo siya sa Twitter. Mahilig gumamit ng emoticons si KC sa kanyang tweets. Mahilig din siya sa retweets at may pagkakataong pag nata-traffic ay nagpapa-question and answer siya sa kanyang followers.
10. Vhong Navarro (@VhongX44) – 5.15M
Paminsan-minsan lang may update si Vhong sa kanyang account at dahil wala siyang Facebook account, sa Twitter at Instagram siya nakababad.
11. Angelica Panganiban (@sectorkekz) – 4.87M
Ang account na ito ni Angelica ay na-hacked at hindi na aktibo. Ang bagong account naman niyang (@angelica_114) ay mayroon na lamang 70.1K followers.
12. Julia Montes (@montesjulia) – 4.27M
Walang masyadong update sa Twitter account ni Julia at aminado siyang hindi siya masyadong nagpu-post. Updated pa rin naman ang kanyang fans dahil naka-link dito ang kanyang Facebook at Instagram accounts. Ang tungkol sa kanyang tatay na kamakailan lang niya nakilala ang nagpapasaya ngayon kay Julia.
13. Enrique Gil (@itsenriquegil) – 4.7M
Natalo naman ni Enrique ang kanyang special someone na si Liza Soberano sa paramihan ng followers. Mayroon lamang 1.58M followers si Liza samantalang halos 5M ang kay Enrique. May kapangalang DJ si Enrique sa Twitter.
14. Cristine Khatibi (@CristineKhatibi) – 4.56M
Araw-araw may update si Cristine sa kanyang account tungkol sa kanyang buhay kasama na ang tungkol sa kanyang mister na MMA expert na si Ali Khatibi at anak na si Amarah. Bonus na makikita ang kanyang FB updates sa kanyang Twitter.
15. Maine Mendoza (@mainedcm) – 4.38M
Naungusan naman ni Maine ang kanyang ka-tandem na si Alden Richards sa listahan na nasa number 19. Mabilis na lumubo ang followers ni Maine nung kainitan ng loveteam nila ni Alden, ang AlDub. Isa si Maine sa may pinaka-maraming retweets sa tuwing meron siyang update.
16. Samuel Milby (@samuelmilby) – 4.27M
Bukod sa kanyang mga update, marami ring post si Sam patungkol sa presidente ng Amerika na si Donald Trump. Muling umingay kamakailan lang si Sam dahil sa tangkang pagnanakaw sa kanya ng tatlong kalalakihan sa Paris. Sa kanyang Twitter lang ‘yun ibinalita ni Sam.
17. Iya Villania Arellano (@iyavillania) – 4.21M
Hindi na aktibo si Iya sa Twitter at pawang mga IG post na lang ang makikita rito. Mga tungkol sa anak nila ng asawang si Drew Arellano ang mga makikita sa kanyang IG/Twitter.
18. Lea Salonga (@MsLeaSalonga) – 4.1M
Aktibo si Lea sa pagtu-tweet at kadalasang naba-bash dahil sa kanyang mga patutsada sa mga maiinit na issue. Sa kasalukuyan ay ang kanyang show na Fun Home Manila edition ang kanyang pino-promote. Best musical ang Fun Home sa 2015 Tony Award.
19. Alden Richards (@aldenrichards02) – 3.97M
Mananawa at kilig-kiligan ang fans ng tinaguriang Pambansang Bae dahil mahilig siyang mag-tweet ng kanyang mga larawan at video clips. Katulad ni Maine, umabot sa milyun-milyon ang kanyang followers noong panahon ng Kalyeserye kung saan walang araw na hindi nagti-trending ang AlDub. Wala nang Kalyeserye pero meron naman silang teleserye sa GMA Primetime pero hindi gaanong nagti-trending.
20. Georgina Wilson (@ilovegeorgina) – 3.96M
Hindi na rin masyadong aktibo sa Twitter si Georgina at puro linked mula sa IG ang makikita sa kanyang feed at retweet ng mga link na sa tingin niya ay interesting. May anak na si Georgina sa British na asawa at naka-base sila sa China sa kasalukuyan. Isa sa mga IT Girls noon si Georgina.
21. Kim Atienza (@kuyakim_atienza) – 3.91M
Kabog naman ni Kuya Kim ang ibang aktor at singer dahil halos 4M ang followers niya sa Twitter. Patok din sa kanyang followers ang Q&A. Halos lahat ng tweet ni Kuya Kim ay inspirational at religious.
22. Nikki Gil-Albert (@nikkigil) – 3.64M
Kung hindi linked posts mula sa kanyang IG account ang makikita ay puro larawan ng kanyang mister, aso, at mga kaibigan ang nasa feed ni Nikki. Proud wife si Nikki ng kanyang mister na si BJ Albert. Inactive siya sa showbiz sa kasalukuyan.
23. Solenn Heussaff (@solennheussaff) – 3.45M
Kahit pa puro retweet ay aktibo si Solenn sa Twitter. Makikita rin sa kanyang feed ang kanyang artworks na talaga namang makalaglag-panga sa ganda.
24. Gary Valenciano (@GaryValenciano1) – 3.28M
Mahilig din mag-retweet si Gary at mag-reply sa kanyang followers. Hindi siya suplado sa followers tulad ng ibang celebrities.
25. Karylle Tatlonghari (@anakarylle) – 3.2M
Aktibo si Karylle sa pag-retweet at puro IG posts ang makikita sa kanyang feed. Wala pa silang anak ng mister niyang miyembro ng isang banda na si Yale Yuson.
26. Christian Bautista (@xtianbautista) – 3.04M
Mahilig gumawa ng poll si Christian at sa Twitter siya nagtatanong sa kanyang followers. Marami ring retweet at posts mula sa kanyang IG account ang makikita sa kanyang feed.
27. Jhong Hilario (@jhongsample) – 2.9M
Malimit na rin mag-tweet si Jhong ng mga kaganapan sa kanyang buhay pero sumasagot siya sa mga tweet ng kanyang followers. Hindi nawala sa noontime show na It’s Showtime si Jhong kahit nanalo siyang councilor sa isang distrito sa Makati.
28. Rachelle Ann Go (@gorachelleann) – 2.85M
Aktibo naman si Rachelle Ann Go sa Twitter at updated ang kanyang followers sa mga ganap ng kanyang international career. Binaha siya ng pagbati sa kanyang 13th anniversary sa showbiz kamakailan lang. Personal na nagpasalamat ang international theater actress sa mga bumati. Kasalukuyang nasa New York si Rachelle para sa Miss Saigon pero babalik ng London bago matapos ang taon para sa stage play na Hamilton.
29. Karen Davila (@iamkarendavila) – 2.82M
Bukod kay Kuya Kim, si Karen Davila ay kabilang sa most followed Pinoy TV/radio personalities. Bilang isang news anchor, aktibo siya sa mga breaking news at may Twitter coverage siya sa mahahalagang pinag-uusapan sa ating bansa.
30. Robi Domingo (@robertmarion) – 2.78M
Aktibo si Robi sa Twitter at mahilig siyang gumamit ng emoticons at hashtags. Hindi rin suplado si Robi dahil sumasagot siya sa kanyang followers. Katatapos ng relasyon nila ng dating volleyball star turned anchor na si Gretchen Ho.
31. Xian Lim (@XianLimm) – 2.74M
Pasok naman sa listahan ng 31 most followed Pinoy celebrities si Xian Lim kahit pa puro linked IG post na lang makikita sa kanyang feed.