Para marahil makaiwas na may kapalpakan na namang maganap sa Metro Manila Film Festival 2017, kinuha para maging bahagi ng execom sina Sen. Grace Poe at Congresswoman Vilma Santos.
Wala nga namang pwedeng tumawad sa kakayahan at kaalaman ng dalawang personalidad pagdating ng lokal na pelikula. Matagal nang artista si Sen. Vi at hindi man artista si Sen. Grace ay lumaki naman ito sa kapaligiran ng pelikula dahil parehong mga artista ang mga magulang niyang sina Fernando Poe, Jr. (SLN) at Susan Roces.
Inaasahan din na mailalagay sa kaayusan ng dalawang pulitiko ang taunang Pista ng Pelikula.
Paolo may ilalaban sa kantahan
Pasado ba si Paolo Ballesteros sa musical ng Die Beautiful?
Ito ang malaking tanong na nabasa ko sa Facebook just yesterday. May plano yata ang mga producer ng Die Beautiful na nagbigay ng Best Actor award sa bida nitong si Paolo Ballesteros hindi lamang dito sa bansa kundi maging sa mga international filmfests.
At hindi lamang ang host ng Eat Bulaga ang binigyan parangal para sa nasabing pelikula kundi maging si Christian Bables na nag-uwi ng Best Supporting Actor Award.
May nagbigay ng suhestyon na gawin itong isang musical na inaayunan naman ng direktor ng movie at isa rin sa mga prodyuser pero nag-aalala ang fans ni Paolo na baka hindi ito makasama sa musical.
Baka raw sa iba ibigay ang role na ginampanan niya sa movie at maging ng ibang kasama sa cast.
May boses naman si Paolo kahit bihira niya itong gamitin sa EB. Mga klasikong kanta pa nga ang binabanatan niya. Kung gugustuhin ni Direk Jun Lana na isama siya (Paolo) sa musical ng Die Beautiful ay pwedeng-pwede.