Sinon may asawang British!

MANILA, Philippines - Tunghayan sa Magpakailanman ngayong Sabado ang nakaaantig na kuwento ng viral sensation na si Sinon Loresca aka Rogelia - ang “King of Catwalk.”

Bata pa lang si Sinon ay hindi na siya tanggap ng kanyang ama. Bugbog sarado nga raw siya sa ama ’pag nakikita siyang kumekembot o ’pag sumasagot sa kanya. Si Catherine, ang panganay na kapatid ang paborito ng pamilya.

Pagka-graduate niya ng high school para makaalis ng bahay nila, namasukan siyang katulong sa Maynila. Pero minaltrato siya kaya umalis din. Pagkatapos nito ay pumunta siya sa tiyuhin niya na kapatid ng nanay sa Payatas. Dito ay namasura siya, namulot ng mga bakal, plastic ng softdrinks, tanso. Namasukan din siyang crew sa isang fast food chain.

Hanggang sa umuwi ang kapatid ni Sinon na si Catherine na nasa London na para magkasundu- sundo na silang pamilya. Dito ay nagkaayos naman ang kanilang pamilya. Hanggang sa nagkasakit si Catherine pagbalik sa London at kinakailangan niya ng kidney donor.

Si Sinon ang naging donor kaya nagpunta siya ng London. Naging successful ang operation. Pagkalipas lang ng ilang buwan ay pumanaw na ang ama nila. Namalagi si Sinon sa London, nagtrabaho at nakapangasawa ng British na si Richard.

Dito ay may na-meet siyang OFW at na realize ni Sinon na maraming malungkot na OFW kaya gumawa siya ng videos na nakakatawa at biglang nag-viral worldwide. Nakita ng Eat Bulaga ang kanyang videos kaya pinapunta siya sa Pilipinas at nagsimula na ng kanyang career bilang komedyante.

Tunghayan ang kuwento ni Sinon Loresca, Jr. na kanyang pinangungunahan, kasama sina Joko Diaz bilang Tatay Sinon, Sharmaine Arnaiz bilang Anne, Chynna Ortaleza bilang Catherine, Mikoy Morales bilang Young Sinon, Klea Pineda bilang Young Catherine, Jemwell Ventinilla bilang Young Jade, Caprice Cayetano bilang Belen, Rob Sy bilang Ramel, Chrome Cosio bilang Ronie, Jonathan Wagner bilang Richard, Carlo Cannu bilang Jade.

Mula sa direksyon ni Mark Sicat dela Cruz, huwag palampasin ang Magpakailanman: Sinon Rogelia Loresca, Jr. story Ang Rampa ng Buhay ko ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Ma­naloto sa GMA-7.

 

Show comments