Bago pa inamin ni Kiana Valenciano, bunso nina Gary V at Angeli Valenciano, na sila na ni Sam Concepcion, ex ni Jasmine Curtis Smith ay nagsalita na si Gary V tungkol sa dalawa sa isang TV interview. Sinabi nito na wala siyang maipipintas sa binata dahil mabait ito at magalang. Sa matagal na pag-aalaga rito ng kumpanya nilang Genesis ay nakilala na niya ito nang lubusan at maging ang mga magulang nito na sinabi niyang mabubuting tao.
Wala na ngang magiging problema ang dalawa sa kanilang relasyon kaya naman marahil hindi na ito ipinagkaila ni Kiana. Siya man ay kilala na ang bagong karelasyon dahil halos magkasabay silang lumaki.
Mabilis nang humahabol ang kasikatan ng singing career ni Kiana sa mabilis na pagsikat ng kanta niyang Circle na siya mismo ang nag-compose.
Maine at Alden, bata ang mahigpit na kalaban!
Hindi naman kataka-taka kung bigla ay maglagay ng malaking tarpaulin o anunsyo ang isa sa dalawang eskwelahan na matatagpuan sa loob ng subdivision na tinitirhan ko sa North Olympus. Ipinagmamalaki nito na sa nasabing paaralan pumapasok si Nayomi Ramos, ang gumaganap na Heart sa teleserye ng ABS-CBN na My Dear Heart.
Proud ang St. Mary’s School Novaliches sa bigla at mabilis na pagsikat ng isa nilang estudyante na nakikita rin sa isang TV commercial tungkol sa isang fabric conditioner. Mas lalong magiging proud ang eskwelahan kapag nalaman nilang malakas ang laban ng My Dear Heart sa kasisimulang serye na itinapat sa kanila ng GMA na Destined To Be Yours nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Anuman ang totoo, kung natalo man ang serye tungkol sa isang batang comatose ng kabilang network o natalo nito ang serye ng magka-loveteam na sikat ay panahon lamang ang makahuhusga. Pero ang sigurado, magiging mahigpit ang labanan ng dalawang magkatapat na palabas.
Bugoy hindi napansin ang pagbibinata
Maraming nag-join sa sikat na grupo ng mga dancer na nakilala bilang #Hashtags para lamang sumikat. Ilan lamang siguro sa kanila ang gustong mairaos ang kanilang hilig sa pagsasayaw, pero lahat sila ay gustong masundan ang yapak ng maraming miyembro na mabilis sumisikat sa kanilang pag-aartista.
Ka-join na ng grupo ang child performer na si Bugoy Cariño. Hindi napansin ng marami na nagbibinata na pala ito. Akala nila ay siya pa rin ‘yung batang artista na madalas nagpapaiyak sa kanila.
Bilang #Hashtags member, magbabago ang image niya at madaragdagan ang maturity. Kakikiligan na rin ito ng mga manonood, tulad ng pagkakilig kina McCoy de Leon, Nikko Natividad, Jameson Blake, Zeus Collins, Ronnie Alonte, at ang Pinoy Big Brother (PBB) grand winner na si Jimboy Martin.
Kasama ni Bugoy bilang mga bagong miyembro ang Pinoy Boyband Superstar wannabe na is Wilbert Ross, model na si Maru Delgado, sina CK Kieron, Daniel “Kid” Yambao, Ray Carreon, Vito “VJ” Marquez, at Frono Hernandez. Dinatnan nila sa grupo sina Tom Doromal, Paulo Angeles, Jon Lucas, Ryle Santiago, at Luke Conde.
Ikalawang Sinag Maynila kasado na
Nasa ikalawag taon na ng pagdaraos ng film festival ang Sinag Maynila na pinamumunuan nina Wilson Tieng at Brillante Mendoza. Idaraos ang 2nd Sinag Maynila sa Marso 9-14.
Kabilang sa full length feature ay ang Kristo ni HF Yambao, starring Angela Cortez, Julio Diaz at Kristoffer King; Beyond the Blocks ni Ricardo Carranga; Ladyfish ni Jason Orfalas, tampok sina JC Santos, Martin Escudero, Brenda Mage, at Ruby Ruiz; at Bhoy Intsik, starring RS Francisco, Ronwaldo Martin, Elora Espano, Jim Pebangco, Tony Mabesa, at Jeric Raval.