MANILA, Philippines - Lahat tayo ay naghahangad ng tapat na pagmamahal. Ilan sa atin ay umaasa sa social media para makahanap ng kapareha. Ngunit sa tulong nga ba ng social media ay makakahanap ka ng mala-fairytale na kapareha? For real nga ba ito o paglalaruan ka lang ng tadhana at mundong mapanghusga?
Mula pagkabata ay makapag-aral lamang ang tanging pangarap ni Mitch. Ngunit ang kanyang ama ay pagtratrabaho ang gusto na agad na ipagawa sa kanila. Sa kagustuhang makapag-aral, lumuwas si Mitch sa bayan at nanilbihan bilang kasambahay bilang pantustos sa kanyang pag-aaral.
Isa sa mga naging palipas oras ni Mitch ang paggamit ng social media. Isa na rito ang Facebook kung saan sa isang “pag-like” lamang niya sa litrato ng kaibigang si Gil ay hindi niya inaasahang uusbong sa isang pag-uunawaan at kalauna’y pag-iibigan.
Ngunit menor-de-edad lamang noon si Mitch habang 26 years old na si Gil. Pinatunayan ni Gil lahat para matanggap siya ng mga magulang ni Mitch.
Sadyang mapaglaro ang tadhana dahil sa loob ng ilang taon lamang nilang pagsasama ay biglang binawian ng buhay si Gil. Habang ilang buwan lamang pagkamatay nito ay ipinanganak naman ni Mitch ang kanilang anak.
Tunghayan ang pagiging matatag ng isang babae sa likod ng mga pagsubok na kanyang hinaharap na pangungunahan nina Ashley Ortega at Kenneth Medrano. Makakasama rin sina Sherilyn Reyes, Shyr Valdez, Elyson De Dios, at Dea Formilleza.
Mula sa direksyon ni Neal del Rosario, huwag palampasin ang Magpakailanman - Love Knows No Age: The Mitch Tandingan and Gil Moreno Millenial Love Story ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA-7.