Pinagtatakahan ng kanilang mga kapwa personalidad ang napakabonggang lifestyle ng isang magkarelasyong artista. Kataka-taka ‘yun para sa kanila dahil hindi na aktibo sa paggawa ng pelikula ang female personality at ang kanyang karelasyon naman ay dati nang walang gaanong proyekto.
Pero bakit daw nasusunod ng magkarelasyon ang mga luho nila? Mismong ang female personality pa ang nagpo-post sa kanyang social media account ng mga larawan at detalye ng mga pagbiyahe nila?
Kuwento ng isang nagtatakang source, “Saka madalas ang trip nila, ha? Hindi ‘yun paminsan-minsan lang, madalas silang bumiyahe! Ang tanong, gaano ba sila ka-rich para ma-sustain ang ganu’n kabonggang lifestyle?
“At take note, talagang ipinagbabanduhan pa ng girl ang mga branded stuff na binibili niya, kabog niya kahit ang mga artistang kumikita nang milyones, kaya ang daming nagtatanong-nagtataka kung bakit sila ganu’n kabongga samantalang wala naman silang mga projects?” napapailing na sabi ng aming impormante.
Maraming kuwentong umiikot ngayon tungkol sa negosyo ng magkarelasyon. Pero iba ang kanilang business, walang signboard, kaya sila lang ang nakakaalam kung ano ba talaga ang negosyong pinasok nila.
“Kung anuman ang business nila ngayon, e, nakakaengganyong makisosyo sa kanila, ‘di ba? Imagine, mabilis silang nagkadatung? Nasusunod nila ang mga luho nila?
“Parang ang ganda-ganda ng negosyo nila, very lucrative, parang kahit walang puhunang malaki, e, kikita tayo agad-agad! Panalo ‘yun!
“At huwag silang naiinis kapag maraming nang-uusisa sa kanila kung bakit can afford silang magliwaliw nang madalas sa iba-ibang bansa! Huwag ding naiinis ang girl kapag nakakabasa siya ng mga comments na takang-taka kung saan sila kumukuha ng datung!
“Siya ang pasimuno kung bakit! I-post ba naman niya nang i-post ang mga pictures nila ng boyfriend niya habang nagliliwaliw sila sa iba-ibang bansa, ‘yan ang napala niya!” nakataas ang kilay sa tenth floor na pagtatapos ng aming source.
Sen. De lima kakaiba ang kaso kina Jinggoy at Bong
Habang naggigirian ang grupo ng mga senador na kaalyado ni Senadora Leila de Lima at ang pamunuan ng PNP-CIDG tungkol sa pagpapairal ng warrant of arrest na pinalabas para sa pagdakip sa senadora ay meron kaming naaalala.
Pumapasok sa aming isip sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla. Siguro, tulad namin at ng mas nakararami pa nating kababayan ay nagbabalik-tanaw ang magkaibigang aktor-pulitiko, bumiyahe siguro pabalik ang kanilang alaala sa naranasan nila mahigit na dalawang taon na ngayon ang nakararaan.
Umikot ang gulong ng buhay. Ang senadorang nagpabilis sa proseso ng kanilang pagkakulong ang ikukulong naman ngayon. At mas masakit ang nagaganap ngayon kay Senadora de Lima.
May sangkot na usapin ng droga at salaping mula sa ilegal na negosyo na ikinakambal sa mga kaso ngayon ng senadora. Tatlong magkakaibang kasong walang katapat na piyansa ang isinampal kay Senadora Leila.
Ano nga kaya ang laman ng kalooban ngayon ng magkaibigang senador? Una, siguradong naniniwala na sila sa tinatawag na retribution, malinaw na karma para sa marami ang nagaganap ngayon sa senadora.
Ikalawa, sinusulat namin ang kolum na ito ay maingay ang balita na pagkatapos dakipin ang senadora ay ididiretso siya agad sa PNP Custodial Center sa Camp Crame. Du’n mismo nakapiit ang dalawang senador ngayon.
Pero malawak ang bakuran, maraming gusali du’n, kundi man gustong makasama ng senadora sina Senador Jinggoy at Senador Bong ay nakapaloob pa rin sila sa isang headquarters lang.
Kilalang-kilala namin ang kalooban ng dalawang senador. Oo nga’t maraming nagsasabi sa kanila ngayon na karma ang dumating sa senadorang nagpadali ng proseso sa kanilang pagkakakulong ay hindi pa rin nila ikinasasaya ang masaklap na naging kapalaran ni Senadora de Lima.
Walang kahit sinong magiging masaya sa ganitong senaryo. Maaaring nahahati-hati ang buong bayan sa magkaibang paksiyon, pero kailanman, sa puso ng bawat tao ay may nakakanlong na lungkot sa hindi kagandahang kapalaran na nagaganap sa buhay ng kanyang kapwa.