Pauleen gustong bumalik sa Africa, Alex nag-walk out nang pabasahin ng script!
PIK: Halos kumpleto na ang buong cast ng pelikulang Citizen Jake na pagbibidahan ni Atom Araullo at pagbabalik ng batikang direktor na si Mike de Leon.
Ayaw lang din muna nilang kumpirmahin dahil mas mabuting hintayin na lang daw ang announcement mula sa production staff ng naturang pelikula. Pero nakikita naman sa kanilang social media account na kasali at nakailang beses na silang nagri-reading. Isa na nga rito si Gabby Eigenmann na gaganap na kapatid ni Atom sa nasabing pelikula.
First time raw niyang ginawa na nag-reading muna siya kung babagay ba siya sa role. Parang audition na rin ang dating, pero okay lang daw iyon kay Gabby dahil bahagi naman talaga iyon sa trabaho bilang aktor.
“Wala namang masama dun eh. Nung kinuwento ko nga sa ibang friends ko sa showbiz, gusto rin nila, dahil Mike de Leon ‘yun eh. Legend ‘yun,” pakli ni Gabby.
Ang narinig nga namin, hindi pumayag si Alessandra “Alex” de Rossi na mag-reading dahil never pa raw siya nag-audition.
Umalis na lang daw ito agad nang pinag-reading siya sa isang role na dapat para sa kanya.
PAK: Pagdating ng mag-asawang Vic Sotto at Pauleen Luna mula sa dalawang linggong bakasyon sa Africa, diretso sila ng Cabanatuan para tanggapin ang parangal na Anak Kabanatuan mula sa naturang lalawigan na iginawad nila kay Bossing Vic.
Sabi ni Pauleen, proud Cabanatueno raw ang kanyang asawa kaya tinanggap nila ang naturang parangal kasama siya at mga kapatid na sina Sen. Tito Sotto at Maru Sotto.
Kasabay din ni Bossing Vic na pinarangalan si Paolo Ballesteros ng Natatanging Anak Kabanatuan dahil sa magaling niyang performance sa Die Beautiful at ang kamangha-manghang make-up transformation na ginagawa niya.
Samantala, nabanggit sa amin ni Pauleen na sobrang na-enjoy nila ang bakasyon nila sa Africa na sinabi niyang kakaibang experience raw talaga ang Safari sa Kenya. Kaya type pa raw nilang bumalik doon.
BOOM: Hindi pa kinukumpirma ni Angel Locsin kung sasampahan ba nila ng kaso ang salon na nagkulay ng buhok niya na naging dahilan ng pagkalagas nito.
Inamin ni Angel na talagang umiksi ang buhok niya. Kaya napilitan siyang magsuot ng wig minsan.
Sabi ng Kapamilya actress sa interview sa kanya ng TV Patrol, ayaw na raw sana niyang paabutin pa sa demandahan, pero tinitingnan pa raw niya kung paano makipag-usap ang mga taong involved sa salon na ito, na ang tinutukoy ay ang Tokyo Posh sa Mandaluyong.
Hindi rin muna nagbigay ng pahayag ang legal counsel ng Tokyo Posh dahil hinihintay lang daw nila ang laman ng formal complaint para alam nila kung ano ang isasagot.
Mukhang handa naman pala sila sa demandahan, dahil inaasahan na nila ang formal complaint mula sa legal counsel ni Angel.
Nagpapasalamat lang si Angel sa shampoo brand na ini-endorse niya dahil naintindihan ang kalagayan niya sa ngayon. Suportado pa nga siya sa kung ano mang hakbang na gagawin ng aktres.
- Latest