MANILA, Philippines – Mas pinanood ang tinaguriang ‘most beautiful day in the universe’ sa Kapamilya Network na pumalo sa national TV rating na 27.4% ayon sa Kantar Media.
Maging mga taga-Mega Manila at Metro Manila ay mas tinutukan ang laban ni Miss Universe-Philippines Maxine Medina, na umabot hanggang top 6, sa ABS-CBN.
Pagkatapos pa lang ng pageant at pagkakorona pa lang sa pinakabagong Miss Universe na si Iris Mittenaere ng France ay agad na nagbigay ng recap at updates si Gretchen Fullido mula mismo sa SM Mall of Asia Arena sa programang News Patrol. Tuloy ang pagtutok dito ng pageant fans kaya naman nagtala ang programa ng national TV rating na 20.2%
Sinundan pa ito ng live coverage naman ni Dyan Castillejo sa ginanap na unang press conference ng bagong Miss U na napanood sa DZMM TeleRadyo.
Pag-anunsiyo pa lang na gaganapin ang Miss Universe sa bansa ay nakaantabay na ang ABS-CBN para ihatid sa mga Pilipino, na kilala bilang best pageant fans sa mundo.
Bukod sa regular na features sa news programs tulad ng TV Patrol at Bandila, isang microsite din ang ginawa ng news.abs-cbn.com para mas masundan ng fans ang lahat ng pageant activities kabilang ang mga paghahandang ginagawa ni Maxine, at mas makilala rin ang lahat ng 86 na kandidata ng Miss Universe.
Makasaysayan ang 65th Miss Universe dahil muli itong nagbabalik sa Pilipinas matapos itong huling idaos noong 1994. Kaisa ng ABS-CBN ang LCS Group, Solar Entertainment, at Miss Universe Organization bilang network partner para maihatid sa mas maraming manonood ang ginanap na beauty pageant.
Panoorin ang replay ng 65th Miss Universe pageant ngayong Linggo (Feb. 5) pagkatapos ng Gandang Gabi Vice sa Sunday’s Best.