Sayang at hindi nakarating sa general presscon ng Across the Crescent Moon na pinagbibidahan ni Matteo Guidicelli ang mag-amang Gabby at Garie Concepcion. Marami kasi ang curious dahil ito ang first project na nagkasama sila.
Sa limang anak na babae, ang panganay na anak ni Gabby sa ex-wife niyang si Sharon Cuneta, si KC Concepcion ang pinaka-visible at active sa showbiz at unti-unti namang sumusunod si Garie (anak ni Gabby kay Grace Ibuna) sa yapak ng ama.
Tulad ni KC, si Garie ay isa ring mahusay na singer. Girlfriend si Garie ng singer-actor na si Michael Pangilinan.
Ganunpaman, nagpapasalamat ang mag-amang Gabby at Garie sa writer-director at producer na si Baby Nebrida dahil nabigyan sila ng pagkakataon na mapasama sa isang napapanahong pelikula na tinatampukan din nina Christopher de Leon, Dina Bonnevie, Sandy Andolong, Alexandra “Alex” Godinez, Joem Bascon, Ivan Carapiet, Jerico Estregan, Leo Martinez, Rex Cortez, Jackie Aquino, Mariel de Leon, Jerene Tan at iba pa na magbubukas sa mga sinehan nationwide ngayong January 25.
Malapit na kaibigan at tauhan ni Donna nagi-guilty!
Noong Miyerkules (January 18) ng gabi lamang binuksan sa publiko ang public viewing kay Donna Villa sa Cosmopolitan Memorial Chapels and Crematory at The Ascension, Araneta Avenue, Quezon City na agad dinagsa ng mga taong nagmamahal sa kanya in and out of the showbiz industry. Inabutan namin sa wake ang aming kumare at isa sa pinakamalapit na kaibigan at katrabaho ni Donna, si Nene Mercado na mugtong-mugto ang mata habang ito’y masinsinang kausap ni Direk Carlo J. Caparas sa isang sulok.
Tinawag niyang “madaya” ang mag-asawang Donna at Carlo J. na hindi man lamang ipinaalam sa kanya ang tunay na kalagayan ng namayapang lady producer na huli niyang nakausap sa telepono noong December 20, 2016 pa. Nakatanggap naman ng huling text kay Donna si Nene nung December 26.
Walang kaalam-alam si Nene na nasa pagamutan na pala si Donna nung mga panahong `yon.
“Ang alam ko lang, nagpa-check-up siya (Donna) sa Asian Hospital pero agad din itong lumabas.
“Wala siyang binabanggit sa akin sa totoo niyang kalagayan. Hindi kasi mahilig si Donna magpa-check-up sa doctor. Halos araw-araw ay magkausap kami sa telepono. Ang dami niya parating bilin tulad ng dati pero wala akong kaalam-alam na naka-confine na pala siya,” kuwento ni Nene.
“Huli siyang nag-text sa akin nung December 26 pero ang ipinagtaka ko, first time na hindi niya ako binati (ng birthday ko) kinabukasan, December 27. Pero inisip ko na lamang na busy ito sa bakasyon dahil sinabi niya sa akin na kapag may magtanong kung nasaan siya, sabihin ko raw na nasa malayo siya. Pero hindi ko `yun binigyan ng ibang kahulugan dahil normal na sa kanya ang parating nagbibilin sa akin. Mula sa kanyang huling text message nung December 26 ay wala na akong narinig sa kanya na kung tutuusin ay tila unusual pero naghintay pa rin ako ng tawag at text sa kanya na hindi na nangyari,” patuloy na kuwento ni Nene.
“Ni hindi ko man lamang siya nadalaw (sa pagamutan) at nadamayan,” tila may guilt feeling na pahayag ni Nene na hindi pa rin makapaniwala na wala na ang kanyang kaibigan na kanyang pinaglingkuran at nakatrabaho ng maraming taon.
Mahigpit umanong ipinagbilin ni Donna na huwag ipaalam sa iba kahit sa kanyang malalapit na kaibigan ang kanyang kundisyon bagay na sinunod ni Direk Carlo J. at ng mga anak nilang si CJ at Peach.
Cancer of the uterus ang ikinamatay ni Donna na nasa late stage na nang ma-diagnose.
Paalam, Donna. You were a real gem hindi lamang kina Direk Carlo J. at mga anak na si CJ at Peach kundi sa mga taong malalapit at nakakakilala sa ‘yo kundi pati na ang mga natulungan at napasaya mo.