Magaling lang magdala ng problema ang isang male personality. Nakikita siya ng publiko na parang wala siyang naeengkuwentrong mga paghamon ng buhay dahil masayahin siya pero alam ng kanyang mga kaibigan kung gaano katindi ang kanyang pinagdaanan.
Wala sa linya ng kanyang trabaho ang problema ng pamosong lalaking pesonalidad. Masipag siya, magaling siyang umarte at magpasaya ng ating mga kababayan, personal na buhay niya ang kinakalampag ng mga problema.
Kuwento ng nakausap naming source, “Alam mo, kung mahina-hina lang ang loob ni ____(pangalan ng male personality), siguradong nagbisyo na siya. Mabuti na lang at buung-buo ang loob niya, matapang siya, kaya hindi siya nagsusumbong ng mga problema niya sa pagbibisyo.
“Kung iba lang siya? Sa tindi ng mga problemang dinadala niya, e, paniguradong may kakaiba nang ginagawa ‘yun ngayon para makalimot sa reality. Salamat talaga at matatag siya sa paghawak ng buhay niya,” pabuntong-hiningang kuwento ng aming impormante.
Ang lahat ng problema ng male personality ay nag-ugat sa ibang tao at hindi sa kanya. Marami siyang sinusunong na obligasyon ngayon na kung tutuusin ay hindi naman siya ang may kasalanan.
“Kailangan na lang talaga niyang harapin ang mga problema para matapos na. Siya kasi ang inaabala ng kung sinu-sino, e, wala naman siyang kinalaman sa totoong problema.
“Susuweldo siya, dadaan lang sa mga palad niya ang pera, ipambabayad na niya agad ‘yun sa kung sinu-sinong hindi niya naman kilala. Mahirap ang sitwasyon niya, mabuti na lang at idinadaan niya na lang ‘yun sa tawa at pagpapatawa.
“Promise, maganda lang siyang magdala, pero kapag nasa bahay na siya, e, siguradong umiiyak din ang payasong tulad niya. ‘Di bale, may katapusan din ang lahat—sa tamang panahon,” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Donna Villa ibang klase ang ginawang pakikipaglaban
Pumayat lang pero maganda pa rin si Tita Donna Villa habang payapang nakahimlay. Sa kabila nang matindi niyang pakikipaglaban ay kitang-kita pa rin ang kagandahan ng aktres-prodyuser.
Sa mga kuwentong narinig namin mula kay Direk Carlo J. Caparas ay masasabi pa rin nating matapang si Tita Donna, nakipaglaban siya hanggang sa huling hibla ng kanyang hininga, pero talagang hanggang du’n na lang ang pananatili niya sa mundo.
Tanggap ni Direk Carlo na dalawang bagay lang ang sigurado. Ang tayo’y ipanganak at ang tayo’y mamatay sa takdang panahon. Pero sa kabila nu’n ay hindi pa rin matanggap ng direktor ang katotohanang nakatambad na sa kanilang mag-aama ngayon.
“Matagal bago ko natanggap na wala na siya. Ilalabas na raw siya sa ICU, dadalhin na sa morge. Parang wala akong naririnig. Parang hindi pa rin ako makapaniwala na wala na si Donna.
“Maraming taong naiiba. Pero iba si Donna sa iba. Siya lang ‘yun, nag-iisa lang siya, wala siyang katulad,” mahinahong pahayag ni Direk Carlo na tulad ni Tita Donna ay nangayayat din nang husto.
Takot magpa-check-up si Tita Donna. Takot pala siya sa injection. Pero nang maging madalas na ang kanyang pagdudugo ay pumayag din siyang sumailalim sa ultrasound.
Du’n na nakita ang marami niyang bukol sa uterus. Matindi na ang pagkalat ng fluid ng myoma sa kanyang katawan. Pitong bukol sa bandang ibabaw at marami pang maliliit na kumain na sa kanyang atay, bato at iba pang mga vital organs.
“Inilihim niya ito kahit sa pinakamalalapit na tao sa amin. Ako lang, sina CJ at Peach ang nakakaalam. ‘Yun ang gusto niya, ayaw niyang mang-abala ng ibang tao, sinunod namin ang gusto niyang mangyari.
“Hindi ko alam kung paano ko babalikan ang lahat ngayon. In denial pa rin ako. Kung paano ako magsisimula nang wala na si Donna, hindi ko alam,” emosyonal na sabi ni Direk Carlo.
Hindi natuloy ang cremation ng bangkay ni Tita Donna nu’ng Miyerkules nang hapon, sabi’y kahapon nang umaga ‘yun magaganap, kaya bukas ay ililipad na ang kanyang mga abo sa Cebu kung saan nakalibing ang kanyang mga magulang.
Maaaring bahagi ‘yun ng kanyang mga habilin. Ang ibalik siya sa lugar na kanyang pinag-ugatan bilang si Marian Hazel Patalinjug.