Birthday kahapon ni Sandy Andolong pero pinili niya na magpahinga kaya hindi siya nakadalo sa grand presscon ng Across The Crescent Moon ng Gold Barn International.
Alam ng buong showbiz na birthday ni Sandy dahil sa social media kaya hinanap siya kahapon sa presscon ng mga reporter.
Dumalo sa presscon ng Across The Crescent Moon si Christopher de Leon at ito ang nagpaliwanag sa hindi pagdating ng kanyang misis. Kasama rin sa cast ng pelikula si Mariel, ang anak nina Boyet at Sandy.
Challenging ang role ng De Leon couple sa pelikula na isinulat ni Baby Nebrida dahil mag-asawa ang ginagampanan nila. Bukod sa siya ang sumulat ng kuwento ng Across The Crescent Moon, si Baby ang direktor at producer ng project na pinagbibidahan ni Matteo Guidicelli.
Boyet gustong maging tourist attraction ang Tawi-Tawi
Matagal nang artista si Boyet pero ngayon lamang niya naranasan na gumanap na Muslim sa pelikula.
Dumayo pa si Boyet sa Tawi-Tawi dahil dito kinunan ang mga eksena niya. Para kay Boyet, ang Tawi-Tawi ang isa sa mga pinakamagandang lugar na narating niya.
Hindi malilimutan ni Boyet ang kabutihan na ipinakita sa kanya ng mga kababayan natin sa Tawi-Tawi. Hoping si Boyet na darating ang panahon na magiging tourist attraction din ang Tawi-Tawi dahil paraiso ito sa paningin niya.
Matteo pinilit magtrabaho kahit nangangatog sa lagnat
Bilib na bilib si Boyet sa professionalism ni Matteo Guidicelli. Magalang, mabait at napaka-humble daw ng boyfriend ni Sarah Geronimo. May isang shooting day na may trangkaso si Matteo pero dumating ito sa set kahit mabigat na mabigat ang pakiramdam at wala siyang reklamo habang nagtatrabaho.
Lalong humanga si Boyet kay Matteo dahil kung siya raw ang may lagnat, baka ipina-pack up niya ang shooting. Hindi raw basta nilalagnat si Matteo na nangangatog ang buong katawan dahil sa sobrang sama ng pakiramdam.
Across The Crescent Moon ipinagpasalamat ng cast na hindi napili sa MMFF
Isinali ang Across The Crescent Moon sa 42nd Metro Manila Film Festival (MMFF) pero hindi napili ng Selection Committee.
Para sa mga artista ng Across The Crescent Moon, blessing in disguise ang nangyari. Naniniwala sila na may dahilan ang Diyos kaya hindi pinili na official entry sa MMFF 2016 ang pelikula nila.
Tungkol sa human trafficking ang kuwento ng Across The Crescent Moon at para maging makatotohanan ang mga eksena, nag-shooting ang mga artista sa Tawi-Tawi na itinuturing na backdoor gateway ng mga human trafficker.
Inspired ng mga tunay na pangyayari ang kuwento ng Across The Crescent Moon. Maaksyon ang pelikula na may mga eksena ng barilan at pagsabog na gustong-gusto ni Matteo dahil dream nito na maging action star.