Female personality inilabas sa korte ang lahat ng galit sa asawang manloloko!
Nang magpakawala ng pana si Kupido ay nasambot ng isang female personality ang lahat ng lason ng pagmamahal. ‘Yun ang dahilan kung bakit kahit lantaran na siyang kinakaliwa ng kanyang mister ay todo-pasa lang siya.
Marami nang kaibigang nagpayo sa kanya na umalsa na dahil lantaran na ang ginagawa ng kanyang asawa pero wala siyang ginagawang aksiyon.
Okey lang siya, okey lang ang pangangaliwa ng mister niya, hinihintay lang niya ang pag-uwi nito at parang hari pa nga ang kanyang mister kung pagsilbihan niya.
Ilang taong ganu’n ang nangyayari, walang pinakikinggang payo ang aktres, basta steady lang siya at walang kakibu-kibo sa lahat ng mga naririnig niya tungkol sa mga extra-curricular ng kanyang asawa.
Kuwento ng aming source, “Pero may hangganan din pala ang pagiging tanga. Darating din pala ang araw na siya na mismo ang magigising sa katotohanan. Wala palang dapat gumising sa nagtutulug-tulugan lang.
“Ano ang nangyari? Parang dragon ang girl, talagang nagwala na siya isang araw, nawindang ang lahat nu’ng magdesisyon siyang humiwalay na sa mister niya.
“At hindi lang basta pakikipaghiwalay ang ginawa niya, talagang nagsalita siya, ikinuwento niya ang lahat ng mga naging karanasan niya sa poder ng husband niya!
“Nagulantang ang marami dahil ang nananahimik lang na babae, biglang ipinaglaban ang karapatan niya at ng mga anak nila! Mabilis ang mga pangyayari, nakita na lang nila ang kanilang mga sarili na nasa korte na sila!” madiing pahayag ng aming impormante.
Ikinawindang ng kanyang angkan ang naging desisyon ng aktres, palagi pala kasi niyang pinagtatakpan ang kanyang asawa, hindi siya nagsusumbong kahit sa mismong pamilya niya.
“At talagang ipinatikim niya sa husband niya ang sakit na ipinatikim nu’n sa kanya! Nakipagrelasyon siya, lantaran din ‘yun, napakalaking shock ang inabot ng mister niya!” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Heart binibira sa paglalantad ng bakasyon sa isla
Kung minsan talaga ay nagiging pahamak ang social media. Malaking tulong para sa mas nakararami ang pag-unlad ng teknolohiya pero sa mga nakalilimot at hindi ‘yun ginagamit sa tamang paraan ay indulto ang inaabot nila.
Napahamak na d’yan si Maine Mendoza sa kapo-post ng kanyang saloobin, pinagpistahan ang kanyang mga kuda, buti naman at mukhang nag-iisip na ngayon si Yaya Dub bago maglabas ng kanyang sentimyento sa social media.
Pero ang talagang madalas mabira dahil sa kanyang mga ipino-post ay si Kris Aquino. Konting kibot lang kasi ay ipinaaalam na ng aktres-TV host ang mga nangyayari sa buhay nilang mag-iina, tuloy ay paboritong gawing panghimagas ng mga bashers si Kris, kung anu-anong masasakit na salita ang ibinabalandra laban sa kanya.
Ngayon ay si Heart Evangelista naman ang pinupuruhan, damay sa isyu ang kanyang mister na senador, ang pagiging bonggang-bongga ng mag-asawa sa pagbabakasyon ang isinusupalpal ngayon ng mga bashers sa kanila.
May kapasidad naman silang gumastos, pareho naman silang kumikita at may naiipon, pero ayaw silang tantanan ng mga netizens. Kasi nga ay ipino-post pa nila ang kabonggahan ng kanilang buhay habang nagbabakasyon.
Dati kasi, kapag nagpaparetrato tayo ay para lang ‘yun sa kuwadro at as album, hindi ipinasisilip sa buong mundo. Pero dahil sa pag-unlad ng teknolohiya, kahit pagkain bago natin tikman ay nasa Instagram na rin, sabi nga ng matatanda ay nakakalimutan na raw nating magdasal bago kumain dahil masyado tayong aligaga sa pagpo-post ng mga pagkain sa hapag.
Konting preno na lang siguro sa paggamit ng social media, kung ano lang ang makabuluhan at mahalaga ay ‘yun lang ang dapat ipagmakaingay, hindi ang kahit ano na lang.
Sabi ng isang kaibigan naming propesor, “Sabi, kapag wala ka raw social media account, e, outcast ka na. Hindi rin totoo ‘yun. In contrary, nawawala na nga ang element of surprise ngayon para sa mga artista.
“Lahat kasi ng mga ginagawa nila, e, nasa social media na, kaya nasaan pa ang mystery na napakahalaga sa trabaho nila?”
- Latest