Awra nagpakitang gilas agad!

Awra

Nagpakitang gilas agad si McNeal Bri­guela o mas kilala sa palayaw na “Awra”, ang character na ginagampanan niya sa FPJ’s Ang Probinsyano. Sa unang araw pa lamang kasi ng sagupaan ng mga batang artista sa Your Face Sounds Familiar Kids na hinding-hindi ko talagang inakala ay magiging kasing saya o baka nakahihigit pa sa unang dalawang programa na sinusundan nito.

Kung sa mas nakatatandang bersyon ay mabibilang ang talagang talented performers, walang itulak-kabigin sa kids na sumali sa YFSF Kids na marami ay talagang masasabing bago at wala pang gaanong karanasan bilang kontesera maliban marahil kina Lyka Gairanod at Ella Nympha.

Mapupuri rin si Alonzo Muhlach dahil siya lamang ang matatawag na talagang artista sa grupo, ang mga kalaban niya ay pawang mga magagaling kumanta, pero hindi siya nagpahuli at sumabak din sa kantahan at impersonation.

First weekend pa lamang ng YFSF Kids hosted by Billy Crawford na napakagaling ding host at kering-keri na makipag-interact sa mga batang contestants kasama ang bagong set ng host na binubuo nina Sharon Cuneta, Gary Valenciano, at Ogie Alcasid, ay inaabangan na ang ikalawang bulwak ng show. Ang na-assign kasi na gayahin ni Macmac ay ang Teen King na si Daniel Padilla. Excited na ang lahat na malaman kung makikita ba nila sa mukha ng maituturing na isa sa pinakamagaling na batang artista na nadiskubre sa lokal na showbiz ang mukha ng ka-loveteam ni Kathryn Bernardo.

Richard at Xian pinagpipiliang gumanap na healing priest 

Pinakamasayang pagdalaw na marahil ng ilang entertainment press (Nora Calderon, Lito Mañago, Obet Serrano, Beth Gelena, Pilar Mateo at yours truly) ‘yung pinakahuling punta namin sa Kamay Ni Hesus, isang healing church na matatagpuan sa Lucban, Quezon na pinamumunuan ni Bishop Emilio Marquez ng Diocese of Laguna at ng charismatic healer, spiritual adviser at founder ng Kamay ni Hesus na si Father Joey Faller.

Nakakalabinlimang taon na pala ang Kamay ni Hesus sa pamamagitan ni Father Faller na nagbibigay ng guidance, spiritual renewal, at healing sa mga may sakit na marami ay buhay at nagpapatotoo sa kapangyarihan ng panggagamot na nakukuha nila.

Nakakalungkot na nagkaroon pala ng sunog sa loob ng KNH na tumupok sa ilang mga tindahan na pinagkakakitaan ng marami at pinagkukunan ng pagpapalago at maintenance ng lugar na nagsimula lamang sa halagang P200,000 na mana ni Fr. Faller sa kanyang mga magulang. Mahigit bilyong piso na ang halaga ng KNH ngayon na bagaman at hindi sumisingil ng entrance fee sa mga deboto nito ay baka kailanganin nang maningil ng parking fee sa mga susunod na buwan.

Kagagaling lamang sa isang mabigat na karamdaman ni Fr. Faller, pero mga ilang tulog na lamang at mababalikan na niya nang kumpleto ang napakaraming gawain sa KNH at ang pagdiriwang ng misa tuwing ikatlong Linggo, 8:30 NU sa Channel 4, first Friday at 3rd Sunday sa SM, 9 NU at 4th Sunday, 4NH sa Festival Mall. Mababalikan na rin niya nang buo ang kanyang healing masses sa mga nasabing simbahan at maging sa KNH.

Sa ngayon, mas pinalalaki pa ang The Healing Church para sa mas dumaraming deboto. May itinatayo ring isang dome para may masilungan pa ang maraming pumupunta sa lugar na nagtatampok din sa Retreat Center and Infirmary, Via Dolorosa, isang napakatarik na grotto na may 319 steps na muli kong naakyat para sa isang kahilingan para sa isang kaanak na may malubhang karamdaman; Array of Saints na ang ipinangpatayo ay mula sa donasyon ng mga nagpagaling sa kanilang mga karamdaman; Luklukan ni Maria, isang Grotto ng ina ni Hesus overlooking the entire sanctuary at kung saan maaaring magnilay-nilay ang mga deboto; Marian Park na nagtatampok kay Maria na hawak-hawak ang kanyang sanggol na si Hesus at ang Pieta na kung saan ay kalong ni Maria ang walang buhay na katawan ni Hesus; ang Garden of Eden, ang Angels Hill na kung saan ay ginanap at napanood sa TV ang kauna-unahang Simbang Gabi sa Southern Tagalog at ang Noah’s Arc.

May alok si Fr. Faller mula kay direktor Louie Ignacio na isapelikula ang buhay niya. Gusto nito na gampanan ni Richard Yap o Xian Lim ang role niya. Kung dati ay tumatanggi ang Healing Priest  dahil nahihiya siya, ngayon ay okay na siya. Para mas tumaas ang level ng pananampalataya ng tao. Kung hindi ito matutuloy ay gagawa na lamang sila ng mga Friends of Kamay Ni Hesus ng short film tungkol sa kanya. Okay lang sa kanya na magamit ang buhay niya para sa Panginoon.

Megan at Mikael wala nang Itinatago

Hindi man aminin ni Megan Young o maski na ni Mikael Daez ang kanilang re­lasyon, hindi maitatago ng kanilang mga mensahe sa isa’t isa sa social media ang mga kinikimkim nilang damdamin.

Mabuti naman at iginagalang ng lahat ang mithi nilang privacy at hinayaan na mas yumabong pa ang kanilang pagmamahalan.

Sa Alyas Robin Hood naman, medyo ginulo hindi lamang si Andrea Torres kundi maging si Megan din ng kapangyarihan ni Michael Flores dahil nagawa nitong pabaguhin ang kanilang mga ugali. May magawa kaya si Pepe o Alyas Robin Hood (Dingdong Dantes) para maibalik sila sa kanilang dating katauhan?

Show comments