Female personality na nagbisyo, tuyung-tuyo na ang bulsa!

Hindi sukat-akalain ng aming source na aabot pala sa matinding indulto ang pampinansiyal na sitwasyon ng isang babaeng personalidad na kung tutuusin ay hindi na maaaring mawalan ng salapi dahil sa daan-daang milyones na dumaan sa kanyang mga palad.

Parang laruan lang daw ang pagtrato nu’n ng female personality sa mga biyayang dumarating sa kanya, hindi na siya nagbibilang, gastos lang siya nang gastos.

Kaliwa’t kanan ang kanyang pelikula, may mga TV shows pa siya na super-supreme ang rating, bukod pa sa kanyang mga shows sa iba-ibang bansa na multi-milyon din ang talent fee niya.

Kapag binabalikan ng aming source ang napakagandang kapalarang napasakamay ng female personality ay hinayang na hinayang ito. Kung naalagaan lang daw ‘yun nang maayos ng babaeng personalidad ay NEVER na siyang maghihirap.

Kuwento ng source, “Sobrang panghihinayang ang nararamdaman naming naging malapit sa kanya nu’n. In fairness, mula sa suwerteng dumating sa kanya, e, marami siyang natulungan at napasaya.

“Pasan niya ang krus nu’n, sa kanya umaasa ang mga kapatid niya, kaya bigay lang siya nang bigay, wala siyang hinihintay na kapalit. Idagdag n’yo pa ang mga taong nangloko sa kanya, ang dami-dami nila!

“Natunaw ang lahat ng mga nabili niyang properties, dumating siya sa point na nangungupahan na lang ng bahay, nagliparan din ang kanyang naiipon.

“Wala kasi siyang preparation para sa future niya, puro pangkasalukuyan lang ang tingin niya sa buhay, hindi niya naisip ang puwedeng mangyari kapag hindi na ganu’n kalakas ang drawing power niya at kapag pakonti-konti na lang ang amount na hinahawakan niya.

“Hindi siya dapat nangungutang ngayon. Siya dapat ang inuutangan. Hindi siya dapat nagrerenta ng house ngayon, siya dapat ang nagpapaupa. Pero dahil hindi nga niya nahawakang mabuti ang kabuhayan niya, ito ang inaabot niya ngayon.

“Haay, naku! Kapag nagbisyo talaga ang tao, lahat, nawawala. Natutunaw lahat, lumilipad dahil nagtatampo. Nakakapanghinayang siya,” seryosong komento ng aming impormante.

Kaya pinipilahan, Die Beautiful ni Paolo may puso

Mas matindi pa ang resulta ng tinatawag na word of mouth kesa sa bayad na trailer ng pelikula sa network. Kumakalat ‘yun na parang apoy, mahirap pigilan, lumalaganap.

Ganu’n ang hawak na karisma ngayon sa manonood ng Die Beautiful ni Paolo Ballesteros. Masayang lumalabas ang mga kababayan natin sa sinehan, pakiramdam nila’y hindi sila nalugi sa ipinambili nila ng ticket, pati ang mahalagang oras nila ay hindi nakapanghihinayang.

Marami na kaming nakakakuwentuhan na hanggang ngayo’y bitbit pa rin ang saya dahil sa Die Beautiful. Sabi nga ng isang kaibigan naming ngayon lang uli nakapanood ng sine sa loob nang labinglimang taon, “Napakagaling ni Paolo. Komedyante, pero mapuso. May dahilan para ma-insecure sa kanya sina Vice Ganda at Bossing Vic Sotto.”

Maligayang bati kay Paolo Ballesteros dahil ang kanyang pinagbibidahang pelikula na ang nangunguna sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Gusto rin naming kamayan ang kanyang direktor na si Jun Lana, ang namahala sa produksiyon na si Sir Perci Intalan, at ang ipinagmamalaki naming anak-anakan na EP namin dati sa mga naging programa namin sa TV5 na si Omar Sortijas.

Ang paggawa ng pelikula ay parang pagluluto rin. Magkakapareho naman ang sangkap ng iba-ibang grupo, magkakatulad din ang sistema ng kanilang pagluluto, pero bakit nga ba mas masarap sa panlasa ng ating mga kababayan ang Die Beautiful?

Puso. Huwag nating ipaangkin lang ‘yun sa puno ng saging. Kailangang may sangkap na puso ang anumang proyekto. Kailangang maramdaman ng mga tumututok na nang buuin ang pelikula ay kakambal ang puso ng mga nagbalangkas.

At ‘yun ang Die Beautiful.

Show comments