Awra naungusan na si Onyok?!

McNeal “Awra” Briguela at Xymon “Onyok” Pineda

Mukha ngang malaki ang iaangat ng karera ng batang si McNeal “Awra” Briguela na unang napanood sa serye ni Coco Martin na FPJ’s Ang Probinsyano. Itatampok ang life story niya sa Sabado sa pangunahing drama anthology ng bansa na Maalaala Mo Kaya. Malaki ang magiging kalamangan niya sa itinuturing na pinakamahigpit niyang kalaban na batang artista rin na si Xymon “Onyok” Pineda. Silang dalawa ang sinasabing mga alas sa tagumpay ng The Super Parental Guardians ngayon sa takilya. Matutunghayan ang kanyang kuwento bukas ng gabi (Dec.10) sa MMK.

Bata pa lang ay alam na ni Awra na gusto niyang maging isang kilalang artista tulad ng kanyang idolong si Vice Ganda. Sa angking talento nito sa komedya, pag-arte, at pag-sayaw, nakitaan na siya agad ng kanyang mga magulang ng potensyal. Suportado nila ito sa lahat ng bagay at tanggap nila kung sino at ano siya bilang tao.

Ngunit ang masayang pa­milyang kanyang kinagisnan ay tila naglaho nang iniwan sila ng kanyang ina na si Ma­rivic (A­leck Bovick). Nakita niya ang mabilis na pagbabago ng kanyang ama na si Oneal (Janus Del Prado) at simula noon, tila napaba­yaan na sila ng kanyang ama. Lubos na nahirapan dito si Awra dahil lu­maki siyang nakitang maunawain at mabait ang kanyang ama. Paano niya malalampasan ang hamong ito?

Makakasama sa episode sina Eliza Pineda, Amy Nobleza, Lance Lucido, Gerard Madrid, Lui Manansala, at Crispin Pineda. Ang episode ay sa ilalim ng direksyon ni Dado S. Lumibao at panulat nina Arah Badayos at Benson Logronio. 

Fans nina Kristoffer at Joyce hindi pa rin sumusuko

Masaya ang mga suki ng GMA sa rating ng Ika-6 Na Utos, Hahamakin Ang Lahat, at Sa Pi­ling Ni Nanay. Hindi naman ito kataka-taka dahil sa ganda ng mga istorya ng mga panghapong programa lalo na ang magandang tambalan nina Kristoffer Martin at Joyce Ching sa HAL. Gustong paniwalaan ng kanilang mga tagasubaybay ang isang senyales ng pagbabalik ng kanilang naunsyaming romansa sa tunay na buhay.

AiAi ipinagdiwang ang birthday ni Mama Mary

Hindi kinalimutan ni AiAi delas Alas ang feast day ni Mama Mary kahapon. Bukod sa talagang ipinagdiwang niya ang araw sa pamamagitan ng hindi pagtatrabaho ay nagdaos pa siya ng isang simpleng selebrasyon para sa birthday ni Mama Mary.

Nora tanggap na ang madalas na pagkatalo sa mga baguhan

Secure na si Nora Aunor sa kanyang posisyon bilang isang artista. Bagaman at maraming provocation kapag tinatalo siya kahit ng mga mas nakakabata at walang pangalang mga artistang babae sa maraming awards night ay hindi mo siya ma­pipi­kon at mapagsasalita ng hindi maganda tungkol sa kanyang pagkatalo. Ito ay sinabi niya mismo sa presscon ng indie movie na Kabisera, na kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2016.

Sa napakalaki at taunang event na ito ng industriya natin ng pelikula ay hindi lamang mga baguhan kundi may mga pangalan nang artistang babae ang makakalaban niya bilang Best Actress.

Show comments