Wala pa akong naririnig o nababasa na reaksyon ng Metro Manila Film Festival (MMFF) Executive Committee tungkol sa desisyon ng mga produ na ipalabas sa mga sinehan sa November 30 ang dalawang malalaking pelikula na niligwak ng MMFF selection committee, ang Enteng Kabisote 10 and The Abangers at The Super Parental Guardians.
Kahit papaano, makakaapekto sa gross sales ng MMFF 2016 ang early showing ng mga pelikula nina Vic Sotto, Vice Ganda, at Coco Martin.
Umpisa pa lang ang November 30 playdate dahil showing sa December 14 ang Mano Po 7: Chinoy at sa December 7 ang balak na theater release ng Mang Kepweng Returns.
Hindi kailangan ng isang magaling na manghuhula para mahulaan na hindi aabot sa P1 billion ang gross sales ng MMFF 2016 dahil isang bilyong piso ang kinita ng Metro Manila Film Festival 2015.
Fan sopla sa pagpapadede ni Marian
Breastfeeding infinity scarf ang tawag sa scarf na ginagamit ng mga nanay na pantakip sa dibdib para sa breastfeeding sa kanilang mga anak.
Kabilang si Marian Rivera sa mga gumagamit ng infinity scarf sa tuwing pinapadede niya si Zia kapag nasa public place sila.
Ginamit ni Marian ang infinity scraf nang padedehin niya si Zia sa birthday party nito sa isang hotel noong Sabado.
May isang mangmang na nagkomento na hindi dapat nagpapadede si Marian kapag nasa harap ng maraming tao.
Nakatikim ng sangkatutak na batikos ang pakialamera na fan dahil sa kanyang mababaw na paniniwala.
Si AiAi delas Alas ang nag-post sa Instagram ng video ng mag-ina na walang kamali-malisya kaya sinagot niya ang nagmamarunong na fan.
“Walang private room dun kasi birthday nu’ng bata sa isang function room. Alangan naman na sa CR mo padedehin si Z kaya nga ginawa ‘yung breastfeeding infinity scarf for baby (nursing cover) para sa mga situation na ganito…” ang depensa ni AiAi sa pagpapadede ng kanyang BFF.
Hindi rin napigilan ni Marian na magsalita tungkol sa maling pakikialam ng nameless fan. Sinabi niya na walang masama sa pagpapadede in public lalo na kung may cover naman.
“Hindi ka siguro nanay o wala ka pang anak kaya hindi mo maiintindihan,” ang sagot ni Marian na ulirang asawa at anak sa kanyang mag-ama.
Inah dalawang buwan lang nag-bida
How true na huling linggo na ngayon ng Oh, My Mama! at ang Ika-6 na Utos ang ipapalit sa timeslot na mababakante ng biggest television break ni Inah de Belen?
Nagsimula na umere noong September 19 ang television adaptation ng pelikula ni Maricel Soriano.
Si Inah ang lead actress ng Oh, My Mama! at bidang-bida siya sa unang afternoon teleserye na pinagbidahan niya.
May balita na magsisimula sa December 5 ang Ika-6 Na Utos na pinagbibidahan nina Sunshine Dizon, Gabby Concepcion, at Ryza Cenon kaya maya’t-maya na ang pagpapakita ng teaser nito sa mga programa ng GMA-7.
Daring ang role ni Ryza sa Ika-6 Na Utos. Parang kailan lang nang sabihin ni Ryza na wala pa itong project sa kanyang home studio pero bago matapos ang 2016, naging busy siya sa shooting ng Enteng Kabisote 10 and The Abangers at sa taping ng coming soon afternoon soap ng GMA-7.
Congratulations at Happy Birthday MGB!
Belated happy birthday Papa Miguel Belmonte. Ang bilis talaga ng panahon. Parang kailan lang, heto at birthday mo na naman. Pero ang isang sure ako, parang hindi nadadagdagan ng edad ang hitsura mo.
At dahil birthday na ni Papa Miguel, ibig sabihin, malapit na rin ang Pasko na pinakamasayang bahagi ng taon para sa ating lahat.
Wala na akong wish sa ‘yo Papa Miguel. Na sa ‘yo na ang lahat.
Congratulations at nasa TV5 ka na. May nagkuwento na sa akin tungkol sa bago mong posisyon.
Wala akong TV show ngayon. Baka gusto mo akong bigyan ng offer na mag-talk show sa TV5? Hahahaha. Biro lang. Sanay na ako na nagsusulat at hindi na naghu-host. Ang nami-miss ko lang ay ang aking mga binabati.