PIK: Unti-unti nang nakikilala ang grupong One Up ng GMA 7 dahil nakakapag-ikot sila sa iba’t ibang probinsiya para sa mall shows ng Boardwalk.
Ang nakakatuwa pa sa grupong ito, sobrang masigasig ang mga fans nila na talagang sinasamahan sila sa iba’t ibang raket sa Metro Manila. Kaya naglaan din sila ng isang araw nila para maka-bonding ang mga napaka-supportive nilang fans. Nagkaroon sila ng bonding session sa Sky Ranch Tagaytay nu’ng nakaraang Huwebes.
Ilan sa mga taga-One Up na nakipag-bonding sa fans ay sina Jay Arcilla, Kevin Sagra, Brent Valdez, Ralf King, Joemarie Nielsen at Arjan Jimenez.
PAK: Pursigido na raw si Daniel Padilla na ituloy ang kanyang pag-aaral sa susunod na school year.
Ang gusto raw niya ‘yung talagang pumapasok na siya sa school na kakayanin niyang i-singit sa kanyang schedule.
“Gusto ko ma-experience na pumapasok na ko sa school. Interesado na ako eh. Ito na ‘yung stage na may gusto ka pang may matutunang iba,” pakli ng Kapamilya young actor.
Hindi pa masabi ni Daniel kung saang school siya magpapa-enroll pero itutuloy raw niya talaga ito kahit magiging abala na siya sa taping ng bagong soap nila ni Kathryn Bernardo na La Luna Sangre.
Sinimulan na rin nila ang pelikula nila ni Kathryn na ididirek ni Mae Cruz.
BOOM: Mukhang nakini-kinita na ni Robin Padilla ang liwanag na makakapunta na siya ng Amerika. Sinasagot na niya ang mga follower niya sa kanyang Instagram account na God willing daw makakamtan na rin daw niya ang tourist visa mula sa US Embassy.
Ipinost niyang marami siyang ipagpapasalamat dahil sa pagdating ni baby Isabella sa buhay nila ni Mariel Rodriguez at ang ibinigay na Absolute pardon sa kanya mula sa presidente.
Maraming dapat ipagpasalamat daw ni Robin, dahil sa napakaraming blessings na dumating sa kanya.
Sana nga mapagpasalamatan din siya nina Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada kung madadalaw niya ito kahit minsan. Iyon din ang isang wish ni Manay Lolit Solis sa kanya, dahil mahigit dalawang taon nang naka-detain sa Camp Crame ang dalawang senador na naging close naman sa kanya, hindi man lang niya ito nasilip.
Naalala pa namin nung bago pa lang sa Camp Crame sina Bong at Jinggoy, nagtatanong pa sa amin ang manager nitong si Betchay Vidanes kung paano makadalaw, pero hanggang ngayon hindi pa rin natuloy.
Si Robin ang isa sa inaasahang unang makadalaw sa dalawang senador dahil hindi naman siya nakalimutan ni Sen. Bong nung nakulong ito. Gusto rin sana siyang mabati ni Sen. Bong ngayong nabigyan na siya ng absolute pardon.