Superhero na walang kapa pararangalan ni Julius

MANILA, Philippines - Hindi lahat ng superhero ay de-kapa. Hindi rin sila mga kathang-isip lamang. Minsan, nariyan lang sila sa paligid nang hindi natin napapansin. Sa bagong episode ng Mission Possible, isang tunay na superhero ang pararangalan nina Julius Babao sa kanilang Paskong Parangal. Siya ang dating OFW na si Gilbert Galang, na nakilala sa pagligtas niya kay Reyson Angeles mula sa nasusunog na kotse, nang hindi alintana ang sariling kapaka­nan. Bumalik si Gilbert sa Pilipinas at tinalikuran ang malaking sahod sa Dubai para alagaan ang kanyang mga kapatid.

Sa ngayon, ang kanilang mga magulang ay nagtratrabaho sa Italy habang siya ay nanatili sa Zaragosa, Nueva Ecija bilang isang volunteer worker. Patunay lamang ito na superhero siya sa pagsakripisyo para sa kabutihan ng iba.

Paano kaya sosorpresahin ni Julius ngayong Pasko ang pamilya ng ating superhero na walang kapa?

Kilalanin si Gilbert, ang bagong Paskong Parangal awardee sa Mission Possible ngayong Lunes (November 28) sa ganap na 9:30 p.m. sa DZMM Teleradyo sa SKYCable ch. 26 at ABS-CBN TVplus, pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SKYCable ch 167).

Show comments