Ang hindi sagutin si Mercedes Cabral ang payo kay Mother Lily Monteverde ng mga kaibigan nito. Hindi rin nito kailangang sumagot sa indie actress dahil may mga nagre-react at nagtatanggol para sa kanya. Matutuwa si Mother Lily dahil hindi lang taga-movie industry ang sumasagot para sa kanya dahil pati moviegoers na lumaking mga pelikula ng Regal Films ang pinanonood ay bumabanat din.
May nagpaalala pa nga na ang Regal Films ang nag-distribute ng pelikula nina Mercedes Cabral at Edgar Allan Guzman na Ligo Na U Lapit Na Me. Totoo kaya ito?
Kabilang sa mga nag-react sina director Joey Reyes, Mark Reyes, at Louie Ignacio na kilalang indie film directors. Nag-react din sina Manny Castañeda at scriptwriter na si Senedy Que.
Ang reaction ni direk Louie ang kailangang mabasa ni Mercedes. “RESPETO IHA!!! Ano nga bang pangalan mo? Pag nakilala at natatandaan na ng tao ang pangalan mo doon ka magkomento ng ganyan PERO MALI PA DIN YUN. BILOG ANG MUNDO NG INDUSTRIYA MATUTO KANG RUMESPETO SA MGA taong kahit bagsak ang pelikula eh patuloy pa ding nag po produce ng pelikula flop man o hindi para lang may mapanood ang mga tao. Haligi ng industriyang pinagkakakitaan mo ang minumura mo sana kilala ka din ni Mother Lily Monteverde kasi madami kaming nagmamahal sa kanya. Harap muna sa salamin iha at kumuha ng ruler at try nating sukatin ulet ang ulo naten. Baka ubod na ng laki!!!”
Dagdag pa ni direk Louie, hindi mainstream o indie ang problema kundi ang talim ng dila. Sana raw magrespetuhan dahil nasa iisang industriya lang sila.
Nakapagpa-book pa naman na raw ng hotel Bea nalusaw din ang pangarap na maka-aura sa Parade of Stars
Hindi lang si Alonzo Muhlach ang disappointed na hindi nakasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang Enteng Kabisote10 and The Abangers dahil hindi siya makakasakay ng karosa sa Parade of Stars. Pati pala si Bea Binene ay disappointed din dahil looking forward siya sa pagsakay sa karosa.
Kuwento nito sa presscon ng movie, nagpa-book na sila ng mom niya sa isang hotel sa may Roxas Blvd. para hindi ma-late sa parade. Biniro ni Vic Sotto si Bea na magparada pa rin ang aktres, pero sa tricycle na lang sumakay.
Matagal nakasama ni Bea si Vic sa sitcom na Vampire Ang Daddy Ko, pero hanggang ngayon ay starstruck pa rin siya kay Vic. Umaasa si Bea na hindi ang Enteng Kabisote10 ang last project na makakasama siya ni Vic.
Nabanggit sa presscon na may special participation sa Enteng Kabisote sina Joey de Leon, Max Collins, Alden Richards, Maine Mendoza, at Pauleen Luna. Sa showing ng movie simula November 30, malalaman ang respective roles nila.
Speaking of Bea, producer na rin ito dahil self-produced niya ang indie film at advocacy film na Fading Paradise. Sa December daw ang showing ng movie na dapat noong November 4 na birthday niya kaya lang ay hindi naihabol.
Luis hindi nakapagpigil sa damit ni Jessy
First movie ni Jessy Mendiola sa Regal Films ang Mano Po 7: Chinoy at role ni Jocelyn na love interest ni Enchong Dee ang kanyang gagampanan. Very thankful si Jessy na maging part ng movie.
Samantala, pinost ni Jessy ang red dress na suot sa presscon ng Mano Po 7 at ang ganda-ganda niya sa picture. Hindi napigilan ni Luis Manzano na mag-comment ng “Oh my Gad” na ikinatuwa ng fans nila at ikinagalit ng kanilang haters.
Sunshine nagpakadabyana uli!
Bumalik sa pagiging mataba si Sunshine Dizon sa Ika-6 Na Utos, ang Afternoon Prime teleserye ng GMA-7 na mapapanood simula December 5. Hindi siya nanibago dahil matagal siyang mataba. Ang mahirap lang ay ang proseso para siya’y patabain.
Sabi nito, “It really takes a village to be #emma donning a prosthetic suit to make me look bigger and a wig to create the character. Thank you to my prosthetic team, same people i worked with during bakekang days.”
Bida rin sa Ika-6 Na Utos si Gabby Concepcion at may malaking role si Ryza Cenon as the mistress of Gabby na si Laurice Guillen ang director.