Sigaw ni Bossing Vic: ‘Hindi nirespeto ng MMFF ang panlasa ng Pinoy’

Vic Sotto

PIK: Magkakaroon ng Grand Fans Day ang drama-anthology na Maynila sa darating na Linggo, November 27 alas-tres ng hapon na gaganapin sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife, QC. Ito ay bahagi ng 18th anniversary celebration ng Maynila na patuloy pa ring namamayagpag sa ere na napapanood tuwing Sabado ng umaga sa GMA-7.

Tampok sa selebrasyong ito ang host na si Buhay partylist Representative Lito Atienza kasama ang mga regular guest ng Maynila na sina Kristoffer Martin, Derrick Monasterio, Jake Vargas, Krystal Reyes, MM and MJ Magno, at Classy Girls.

PAK: Touching ang ipinost ni Robin Padilla na mensahe ng kanyang asawa na sulat na kunwari ay galing sa kanyang anak na si Baby Isabella.

Sabi ni Robin, iyon daw ang pinamakatinding regalong natanggap niya sa kanyang kaarawan nu’ng kamakalawa lang.

Tuwang-tuwa ang aktor sa nakasaad sa sulat na kunwari ay sinabi ng kanilang anak, “Mom says all these wonderful things about you…how much of a hero you truly are, how generous, kind, loving and compassionate you are, if I inherit a few of your traits that already makes me one blessed girl. I pro­mise to make you proud dad.”

Very positive naman si Robin na makakalipad na siya ng Amerika para makapiling ang kanyang mag-ina.

BOOM: Respeto ang hiningi ni Vic Sotto sa Metro Manila Film Festival (MMFF) Screening Committee kaugnay sa mga napili nilang pelikulang pasok sa taunang filmfestival.

Bahagi ng mahabang pahayag ni Bos­sing Vic sa ‘di pagpasok ng Enteng Kabisote 10 and the Abangers sa MMFF, “Ako naniniwala ako sa salitang respeto. Respetado ko ang bawat panlasa ng ibang tao. Kasi nirerespeto ko ang panlasa ng Screening Committee. I don’t have anything personal against them, pero para sa akin nirerespeto ko ang panlasa nila ay ganito, ang panlasa nila ay ganun.

“Pero pag dumarating ang Pasko, tayong mga Pinoy may panlasa minsan may pagkakaisa.

“Alam nating lahat na pagdating ng Pasko inaabangan ito ng buong pamilya na alam natin kung ano ang inaabangan ng mga bata. Ito ‘yung panahon lalo na sa first few days na ang nakakapili ay mga bata. Once a year nagkakaroon sila ng sarili nilang pera galing sa mga ninong at mga ninang.

“Ang masakit lang para sa akin, hindi nila nirespeto ‘yung panlasa nu’ng manonood ng pelikulang Pilipino.

“Nirerespeto ko ‘yung mga pelikulang kasama sa festival ngayon. Pero sana man lang nagsama sila ng puwedeng panoorin ng mga bata.

“Sabi nga nila ang kanilang desisyon ay final and unanimous, I respect that. Pero sana lang, nirespeto ng komite ‘yung panlasa ng Pinoy.

“Huwag mong isubo sa amin ‘yung hindi namin gustong kainin pagdating ng noche buena. ‘Yung sa amin spaghetti lang, pero masaya na ang buong pamil­ya, lalo na ang mga bata. Dun lang naman ako nalulungkot eh.”

Kaya napagdesisyunan na nilang November 30 ang showing ng Enteng Kabisote 10 at mapapaaga na nga raw ang Pasko para sa mga bata. Umaasa rin silang ma-extend ito at abutin hanggang Pasko.

Show comments