Ngayon natin malalaman ang pasya ni Mother Lily Monteverde tungkol sa Mano Po 7: Chinoy na ipinagdasal niya na makasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2016 pero dinedma ng Selection Committee.
May isang buwan pa bago idaos ang MMFF 2016 kaya puwedeng-puwede pa na ipalabas sa mga sinehan ang mga pelikula ng mga movie producer na nangarap na makasali sa Magic 8 pero nabigo dahil pinaboran ng MMFF Selection Committee ang mga “quality movie.”
Dumayo pa sa Taiwan ang cast at production staff ng Mano Po 7 dahil doon kinunan ang malalaki at magagandang eksena ng pelikula. Hindi nanghinayang si Mother na gastusan ang Mano Po 7, alang-alang sa moviegoers na may karapatan na makapanood ng matino na pelikula pero hindi naman pumasa sa mga member ng Selection Committee na iba ang panlasa.
To be fair, sure ako na magaganda ang walong pelikula na pinili ng Selection Committee pero kulang nga lang sa star value dahil hindi mga big star ang mga bida.
May balita na kumpirmado na ang showing sa November 30 ng Super Parental Guardians, ang pelikula ng Star Cinema na hindi rin sinuwerte na makasali sa MMFF 2016.
May report na coming soon na rin sa cinemas nationwide ang Enteng Kabisote 10 and The Abangers. Kung matutuloy ang pagpapalabas ng tatlong pelikula bago ang opisyal na pagsisimula ng MMFF sa December 25, tiyak na ‘yun ang panonoorin ng mga Pinoy at hindi malayo na magkaroon ng pre-Metro Manila Film Festival para sa mga bagets at sa audience na fan ng mga comedy at entertaining movies.
Pauleen ginagamit na ang apelyido ni Vic
Si Pauleen Luna ang unang naglabas ng balita na coming soon na ang pelikula ng asawa niya, si Vic Sotto, ang Hari ng Box Office tuwing MMFF.
Tiyak na alam na ni Pauleen ang exact playdate ng Enteng Kabisote 10 dahil maghapon at magdamag sila na magkasama ni Bossing.
Special guest din si Pauleen sa pelikula ng kanyang mister. Bukod sa prominent billing ng name ni Pauleen sa poster ng Enteng Kabisote 10, ginamit na rin niya ang apelyido ni Bossing bilang legal na legal na ang kanyang pagiging Mrs. Sotto.
Bayan ni Digong sigurado sa bibisitahin ng mga kandidata ng Miss U
Confirmed na ang Baguio City, Vigan City, at Boracay ang ilan sa mga lugar sa Pilipinas na bibisitahin ng official candidates ng Miss Universe 2016 sa January 2017.
Magiging busy na ang Department of Tourism at ang Host Committee sa paghahanda sa pagdating sa bansa ng mga kandidata, simula sa unang linggo ng Enero 2017.
Madaragdagan pa ang mga tourist spot sa Pilipinas na pupuntahan ng Miss Universe delegates. Siyempre, hindi mawawala sa listahan ang Davao City, ang pinakamamahal na bayan ni President Rodrigo Duterte.
Priority rin ng Host Committee ang mga mandatory event ng Miss Universe, ang Governor’s Ball o welcome dinner para sa lahat ng involved sa beauty pageant, ang National Costume competition, National Gift Auction, at Coronation Ball. May mga pinaplano pa na events para sa Miss Universe at magkakaroon ng official announcement ang Host Committee kapag kumpleto na.